As Long As Forever: Chapter 1

This entry is part 2 of 25 in the series As Long As Forever
KUNOT na kunot ang noo si Mushroom habang nakatitig sa note na nakapaskil sa refrigerator. Pakiramdam niya’y umuusok ang ilong niya.  

MUSH, GINO CALLED. DARATING DAW SIYA. SAGLIT LANG AKO SA SUPERMARKET. MAAGA UMALIS ANG DAD FOR WORK. -MOMMY

Galit  na napatingin siya sa wall clock. It’s just nine in the morning at nabubuwisit na siya! Ano na naman ang kailangan ng damuhong iyon sa kanya? Kahit ba Sabado hindi siya tatantanan ng pambubuwisit nito? Gusto niyang magpapadyak sa inis. Nanggigigil na kinuha niya ang note at nanggagalaiting pinunit iyon. Kapag nakita siya ng Mommy niya ngayon, tiyak na ipapatingin na siya sa psychiatrist. Her mom and dad are so fond of Gino. Kaya kahit na harapan siyang inaalaska ng walanghiya’y walang anuman iyon sa mga magulang niya. And she hated it! They even reprimanded her for being mean to Gino. Her own parents called her mean!

Huh! May araw din ang walanghiyang ‘yon sa kanya. Kahit noong mga bata pa sila’y palagi siya nitong inaaway. At hanggang ngayong malalaki na sila’y wala pa rin itong ibang kasiyahan kundi ang asarin siya. Ang mas nakakaasar, alam nito kung papaano siya asarin ng walang kahirap-hirap. Gino is the worst villain ever. Demonyo ang tingin niya rito. At magiging masaya lang ang buhay niya kung mawawala ito sa paningin niya forever!

DAGLI siyang naligo’t nagbihis ng pambahay. Pansamantalang nawala ang inis na kanina lang niya naramdaman. At kagaya ng nakagawian niya tuwing Sabado’y nagpunta siya sa garden. Tinanggal niya lahat ng mga ligaw na halaman at  saka diniligan ang lahat ng mga tanim. Mas makabubuting maging abala siya nang makalimutan niya ang impaktong iyon. Napangiti siya nang makitang maraming namumulaklak na orchids, pati ang mga rosas. Alaga naman kasi ng Daddy niya. Substitute gardener lang siya.

“Marunong ka pala niyan?” sarkastiko ang tinig na iyon na umalingawngaw sa tenga ng dalaga. Napahigpit ang hawak niya sa hose. Itinuon niya ang buong atensyon sa ginagawa. Wala siyang naririnig.

“Tumawag ako sa inyo kanina kaso, tulog ka pa raw sabi ni Tita kaya di na kita pinagising.”

Hindi pa rin niya ito pinansin.

“Oh, you’re so kind to me talaga, Gino, thank you talaga,” anito na ginaya ang pagsasalita niya. Naglapat ang mga labi niya. Pinigilan niya ang sariling sagutin ito.

“Ah… dinedeadma mo’ko ha…” anito sa tonong alam na alam niya.

Napuno siya kaya’t hinarap niya ito. “Umalis ka riyan, pwede ba?” pigil-pigil na singhal niya.

Hindi man lang ito natinag. Prenteng nakatukod ang siko nito sa bakod at nakahimlay ang mukha sa palad na tila tinatamad na pinapanood siya. Magulo ang buhok, halatang hindi pa nakakapagtoothbrush at nakakapagpaligo.

“Bakit? Bakod rin naman namin ‘to ah?” pa-inosenteng sagot nito.

Naniningkit ang mga mata ng dalagang tinitigan ito. “Puwes, huwag mo ‘kong kausapin dahil ayoko ng kausap!”

Ngumiti ito. “Mataray tayo ngayon, ah? Epekto na naman ba ng buwanang dalaw yan, Mush..room?” Sa tuwing binibigkas nito ang pangalan niya’y ganoon. He always sounded as if  her name stinks. When his name is stinkier. Pero hindi niya magawang laitin ito dahil nung minsang sinabi niyang ang bantot ng pangalang Gilberto, nagsumbong ito sa mommy nito. At hiyang-hiya siya dahil junior nga pala si Gino. And his Dad just passed away at that time. Kaya kagaya ngayon, pinilit niyang huwag itong pansinin.

“Kahapon lang ganyan ka din. Palagi kang masungit. Wait…”anitong tila napa-isip. “Every single day, masungit ka. Omigosh!” anitong ginaya ang ekspresyon niya. “Araw-araw kang dinadatnan?”

Tumaas-baba ang dibdib niya. Talagang ang husay nitong mang-inis. Umagang-umaga’y buwisit na buwisit na siya. May gana pa itong magtanong kung bakit siya masungit? Marinig pa lang niya ang pangalan nito’y kumukulo na ang dugo niya, paano pa kung nakikita niya ito palagi sa school. And worse, inaasar siya sa bawat segundong matiyempuhan nito.

“Talaga bang di mo’ko titigilan? Patahimikin mo naman ang buhay ko kahit dalawang araw lang! Rinding-rindi na ako sa pagmumukha mo! Sukang-suka na ako!”

“Matalas na ang dila mo, Mushroom.” anito pagkuwa’y natawa sa pagkakabigkas sa pangalan niya. Gusto niyang batukan ang walanghiya. Pagkuwa’y sumeryoso ang mukha nito. “Hindi naman ako nakikipag-away ah. Nah, pag nalaman ng Tito’t Tita na ganyan ang ugali mo sa ibang tao… lalong-lalo na sa akin, tsk, tsk…” anitong iiling-iling. “They will be very very disappointed.” anitong anyong nalulungkot.

“Tigilan mo na ako,” may banta na sa tinig niya. She hated the last word he said!

“Inaano ba kita?” tila desperadong sabi nito. “Palagi ka na lang ganyan. Palagi mo na lang tinatratong basahan. Palagi mo na lang akong sinasaktan. Hindi na nga kita maintindihan kung minsan. Ang hirap mong kaibiganin, alam mo ba ‘yon? Ganito talaga pag mabait, lagi na lang inaapi. Palagi na lang ako kailangan magpasensiya. Palaging ako ang kailangan magbigay. Palaging ako ang kailangang umintindi. Ako, ako, lagi na lang-“

Hindi nito natuloy ang drama dahil biglang bumuhos ang malakas na tubig sa mismong mukha nito.

“Whoa!” gulat na sigaw nito’t dagling umiwas. Subalit sinundan ni Mushroom ang galaw nito hanggang sa magmukha itong basang sisiw. Ganoon na lang ang halakhak ng dalaga. Kaagad niyang pinatay ang tubig nang maulinigan ang pagbukas ng pinto. Dagli siyang nagtago nang makitang papalabas ang yaya nito.

“Gino, naman! Ba’t basang-basa ka?” Gulat na sigaw nitong umalingawngaw yata sa buong subdivision. Nasa himig nito ang pag-aalala. Gustong tumikwas ang kilay niya. Dapat nga magpasalamat si Yaya Melba dahil nakapaligo na ang alaga nito.

Siyang pagdating ng Mommy niya. Kaagad itong naki-usyuso. Kaya mas inigihan niya ang pagtatago.

“B-Binasa p-po ako ni M-Mushr-room,” anitong nanginginig na halata namang arte lang.

Kita niya ang pagkunot ng noo ng Mommy niya.

“Ayun ho s-siya, n-nagtatago.” buking ng damuho sa kanya.

Pikit-matang lumabas siya sa pinagtataguan. “He made me do it, Mom!” aniya sa ina. Inirapan niya ang binatang kaagad binalot ng yaya nito nga tuwalya. Ano ito, baby?

“Pasok m-muna ako, T-Tita. Ang lamiiiig…”

“Sige, hijo. Magbihis ka kaagad.” anang Mommy niya na gumuhit ang pag-aalala sa mukha. Nang makapasok ang mga ito’y siya naman ang hinarap ng Mommy niya. “Mag-uusap tayo.” May diin ang tinig nito saka dumiretso ito sa loob ng bahay. Mariin siyang napahilamos sa mukha. Ba’t siya na naman?

NASABON na naman siya ng Mommy niya. Gigil na gigil na siya sa Ginong iyon. Gusto niyang sugurin ito sa kabilang bahay at bigyan ng malakas na sipa sa mukha. Pasalamat ito’t nakakapagpigil pa siya. Konting-konti na lang talaga, baka mapatay na niya ang walanghiya. Kaya daw tumawag si Gino kaninang umaga ay para manghiram ng notes sa English at SocSci. Nag-cut kasi ito sa klase kahapon. yun pala, nagkasakit daw. Dinapuan ng trangkaso.

At kanina lang, binuhusan niya ng malamig na tubig. Nilalagnat pa rin daw hanggang ngayon. Habang kinakausap siya ng Mommy niya kanina’y seryosong-seryoso ito. She looked so disappointed in her which made her so upset right now. Malay ba niya kung may sakit si Gino no? Saka, pakialam niya! Dapat hindi siya nito inaasar kung ayaw nitong maligo ng wala sa oras.

Napasabunot siya sa sariling buhok. Palagi na lang siyang inilalagay ng damuho sa alanganing sitwasyon. Kailan ba ito titigil? Ngayo’y wala na naman siyang ibang pagpipilian kundi ang magpakabait! Which is so unfair! Natigil ang pag-iisip niya nang may kumatok sa pinto.

“Pasok.” Tinatamad na sabi niya.

Iniluwa ng pinto ang Mommy niya. “Magbihis ka, dadalawin natin si Gino.”

“Mommy, kayo na lang,” aniyang sambakol ang mukha.

“Pupunta tayo sa hospital,” bakas ang pinalidad sa boses nito’t tinitigan siya. “Maghihintay ako sa baba.”

Ilang saglit pa bago tuluyang tumimo sa isip ng dalaga ang sinabi ng Mommy niya. Hospital? Si Gino, isinugod sa hospital? Bigla’y nakagat niya ang labi habang palakas ng palakas ang kabog ng dibdib niya. Naiiyak siyang hindi niya mawari.

Teka lang… Dapat natutuwa siya. Nakaganti na siya. Ilang beses siyang napakurap dahil hindi niya mapigilan ang panghahapdi ng mata. Omigosh! Hindi niya makuha kahit ngumiti man lang.

MABIGAT ang mga paa niya habang naglalakad sa hallway ng hospital. Eversince, ayaw niya ang lugar na iyon. Pakiramdam niya’y babaliktad ang sikmura niya. Pero mas ayaw niyang bisitahin si Gino, dahilan para mas lalong bumigat ang mga paa niya. At ngayong nasa mismong pintuan na sila ng silid ng kababata’y gusto niyang kumaripas ng takbo palabas pero mahigpit ang hawak ng Mommy niya sa kanya.

“You know what you should do, Mushroom.”

“But Mom-“

“No more reasons. Just say sorry.”

Natahimik siya. Mabigat ang loob. Kinagat ang pang-ibabang labi para hindi mapaiyak. Does her mother even care how she feels right now? Why do they always put the blame on her? Hindi naman niya gustong ma-ospital si Gino ah? At hindi ito ma-oospital kung hindi siya nito inasar kanina. It’s so unfair! Bawat araw, palaki ng palaki ang atraso sa kanya ni Gino. Pero hindi niya ito kayang singilin ngayon dahil maysakit ito at siya pa man din ang may kagagawan na lumala. Pero oras na gumaling ito, talagang gaganti siya.

Naunang pumasok ang Mommy niya sa silid. Parang gusto niyang magtago sa basket ng prutas na dala niya. Mas lalong bumigat ang hakbang na napasunod siya sa ina.

Tulog si Gino. May nakasabit na IV sa gilid nito. Naratnan nilang masuyong hinahagod ng Tita Donna ang buhok ng anak. Nasa mukha nito ang pag-aalala. Parang mas tumanda ito sa paningin niya. Ganoon ba talaga ito mag-alala para kay Gino? Sabagay, kay Gino na umiikot ang mundo nito. Bigla tuloy siyang nakonsensiya.

“Hija!” Ganoon na lang ang pagkaaliwalas ng mukha ng Tita Donna ng makita siya. Napayuko siya bigla. Parang matutunaw siya sa hiya. Napatayo ito at nakipagbeso-beso sa Mommy niya. Pagkuwa’y nagmano siya rito. Huminga siya ng malalim bago magsalita.

“I’m sorry po.”

“It’s okay, hija, there’s nothing to worry. Gino is fine now.” ani Tita Donna.

“It was my fault. Kung hindi ko siya binasa ng tubig baka hindi siya nabinat.” Totoo sa loob na sagot niya. Hinawakan ng Mommy niya ang kamay niya. She was glad for her to do so dahil may nakukunan siya ng lakas ng loob.

“Knowing Gino, I’m sure may ginawa na naman siyang kalokohan.” ani Tita Donna.

Meron nga po, gustong isagot ni Mushroom pero pinigilan niya ang sarili dahil tiyak niyang kurot sa singit ang matatanggap niya.

“Ang tigas naman kasi ng ulo. Kahapon ko pa sinabing dapat sumugod na kami rito, ayaw naman. Kung hindi pa ako natataranta kanina, hindi pa papayag. But the doctor said there’s nothing to worry. And I’m relieved.” Nginitian siya ng Tita Donna. “Thanks for coming, hija. Matutuwa si Gino pag nakita ka.”

Pinigilan niya ang sariling mapa-Yeah right na may halong sarkasmo. Nakikinita na niya ang reaksyon ni Gino pag nakita siya. Sana makauwi na sila bago pa man ito magising.

“I am deeply sorry, Tita,” ulit niya.

“Wala kang dapat ihingi ng sorry, hija. But okay, apology accepted.” anitong ngumiti.

“Perhaps Gino would want to hear that.” suhestiyon ng Mommy niya. Bigla’y gusto niyang magprotesta. Siya? Hihingi ng sorry kay Gino? kay Gino??? No way!

Pinisil ng Mommy niya ang balikat niya kaya napilitan niyang tumango. May masinsinang pinag-uusapan ang mga ito kaya bahagya siyang lumayo at tumungo sa kinaroroonan ng walanghiya. Ilang saglit pa’y dumating si Yaya Melba. May dala itong mga gamit. Kumunot ang noo niya. Sobrang OA naman yata. Parang gusto niyang i-remind ang mga tao roon na trangkaso lang ang sakit ni Gino.

“Thank you, Yaya.” Naulinigan niyang sabi ni Tita Donna.

“Mushroom, maiwan ka na muna rito. Sasamahan ko lang ang Tita mo bumili ng gamot.” anang Mommy niya.

Wala siyang nagawa kundi ang tumango. Ayaw na niyang magtagal doon pero wala siyang choice kundi manatili. Naiwan siyang kasama si Yaya Melba. Mabuti na lang masaya itong kausap. Abala ito sa pagpunas kay Gino at sa pagkukuwento tungkol sa lahat ng naging nobyo nito na ni isa, walang nakatuluyan.

“Pero kuntento na ako, hija,” anito habang pinupunasan ang binti ng binata. “saka, hindi ko maiwan-iwan itong si Gino. Parang anak ko na rin ito kaya mahal na mahal ko.”

“Ang swerte ho naman ni Gino.” Malas tayo, Yaya, aniya sa isip.

Ngumiti ito. “Napakabuting bata ere,” anitong halos ikasamid niya. “May pagkapilyo nga lang minsan pero napakabuting bata at napakamaalalahanin.”

Minsan? Hindi nga siguro kilala ni Yaya Melba ang alaga. Hindi nito alam kung gaano ito kawalanghiya, kabastos at kawalang-modo. Hindi na lang siya nagkomento.

Wala sa loob na napatingin siya sa binata. Gwapo pala si Gino pag natutulog. Parang ang bait-bait. Parang… anghel?

Ganun na lang ang pagkunot ng noo niya. Gusto niyang batukan ang sarili sa iniisip. Anghel???

“Pakisalat nga ng noo ni Gino, hija,” ani Yaya Melba na abala pa rin sa pagpupunas. Wala siyang ibang nagawa kundi sundin ito. Napatitig ulit siya sa mukha ng binata. Talagang ang amo ng mukha nito, hindi halatang demonyo. Sana, pagising ni Gino’y maging mabait na ito sa kanya. Sana tigilan na nito ang pang-aasar sa kanya nang magkaroon naman siya ng tahimik na buhay.

Tiyempong nakadikit ang likod ng palad niya sa noo nito nang unti-unting bumuka ang talukap ng mga mata nito. Parang napasong binawi niya ang kamay. Pero huli na. Nakita na nito ang ginawa niya. Ganoon na lang ang ngiti nito. Hindi kasing sigla ng dati pero nanunudyo ang ngiting iyon. Gusto na niyang maglaho sa sandaling iyon.

“Thanks, Mush…room.” anitong tila kinikilig.

“Okay na naman siya, Yaya. Wala na ho siyang lagnat,” aniya sa tonong walang simpatiya.

Kaagad nagbago ang ekspresyon ng binata. “Ahh.. ang sakit-sakit ng buong katawan ko.” anitong tila nahihirapan. Umubo-ubo pa ito at umarteng giniginaw. “Parang ramdam ko pa rin ang malamig na tubig kanina. Yun siguro ang dahilan kaya nilagnat uli ako, di ba Yaya?”

Gusto niyang bigyan ng diretsong kanang suntok ang kaharap. “Arte!” aniyang umismid. Mas lalo pa itong nanginig na tila sinasapian pagkuwa’y humalakhak. Umiling-iling siya. Topakin talaga. Napangiti lang ang Yaya Melba habang nakamasid sa kanila.

Napatingin ito sa fruit basket na nasa mesa. “Dala mo?” biglang tanong nito.

“Dala ni Mommy,” aniya sabay ingos.

“Parang gusto kong kumain ng orange.” anitong halatang nagpaparinig.

Nagkunwa siyang walang narinig. Eh di kumain ka! aniya sa isip.

“Gusto mong ipagbalat kita, hijo?” ani Yaya Melba. Umiling-iling si Gino pagkuwa’y inginuso siya. Hindi niya napigilan ang pagtaas ng kilay. Siya? Gagawin nitong tagasubo? Huh! The nerve! Inirapan niya ito.

Nang hindi siya kumilos ay kinausap nito ang yaya. “May mga tao talagang walang puso, ‘Ya no? Bigla ka na lang babasain ng walang dahilan tapo kapag nagkasakit ka -“

“Oo na!” pigil niya sa anupamang sasabihin nito sabay kuha ng orange. “Susubuan ka na Senyorito. Huwag na rin kayong masyadong magsalita, baka mabinat na naman kayo tapos ako ulit ang pagbintangan.”

Tumahimik ito at nakangiting tumingin sa kanya na parang tuwang-tuwa.

“Ang tagal…” reklamo nito. Binilisan niya ang pagbalat at dagling isinubo iyon sa kababata.

“A,” aniya. Nang bumuka ang bibig nito’y sunud-sunod ang ginawa niyang pagsubo hanggang sa iniwas nito ang mukha sa kanya at kusang umayaw. Parang nahirapan itong nguyain at lunukin ang lahat ng nasa bibig na ikinangiti niya ng lihim.

“Grabe ka naman makasubo.” reklamo nito. “Nginunguya ang orange, hindi basta-basta nilulunok.”

“Pasensiya na po. Na-excite lang.” aniyang nanggigigil. Natawa ito sa sinabi niya. Saka ngumanga ulit.

“Dahan-dahan lang ha, may sakit ako,” parang batang sabi nito.

Tagpong dinatnan ng mga mommy nila. Malaki ang pagkakangiti ni Tita Donna sa kanya. “Okay ka lang, hija? Ako na riyan.”

“Okay lang po siya, Ma. Pabayaan n’yo na po si Mushroom. Alam n’yo naman, nakokonsen-“

Kaagad sinubuan ni Mushroom ang binata nang hindi na makapagsalita pa. Kaso, tumulo ang katas ng orange sa gilid ng labi nito na awtomatikong pinahid ng dalaga sa pamamagitan ng likod ng kamay. It was a very subtle move that made Mushroom still for a while. Tila may kumudlit sa puso niyang hindi niya mawari. Lalo na nang mapatingin sa kanya si Gino at nagtama ang mga mata nila. Kasunod noon ang hindi mapigilang kabog ng dibdib. Kaagad siyang nagbawi ng tingin at mabilis na kumuha ng tissue para punasan ang bibig ni Gino.

“Huwag ka ngang makalat,” kunwa’y inis na sabi niya. Naramdaman din kaya ni Gino yun? It feels… weird. Bigla’y natahimik ang kababata, parang wala ng planong mang-asar.

“Uwi na ba tayo, Mommy?” aniyang nilingon ang ina. She wanted to get out of this place dahil hindi pa rin tumitigil ang abnormal na pagkabog ng dibdib.

Nakahinga siya ng maluwag nang magpaalam na ang mommy niya. Niyakap niya ang Tita Donna at ang Yaya Melba.

“Paano naman ako?” ani Gino. Inambahan niya ito ng suntok. And he smiled sheepishly.

Palabas na sila nang bigla siyang tinawag ng kababata. “Mush…room?”  Nahigit niya ang hininga bago lumingon. “Yes?”

Nakangiti ito. “Pwedeng makahingi ng favor?”

“Ano ‘yun?”

“May notes ka sa English at SocSci, di ba?”

Tumango siya hindi naiwasang magtaas ng kilay. Parang alam na niya ang susunod na sasabihin nito.

May kinuha ito sa ilalim ng unan. Dalawang bagong notebooks yun. “Itse-check kasi nila, di ba? Wala naman ako kahit isa. Pakikopya naman o,” paki-usap nito.

Pakiramdam niya’y umakyat lahat ng dugo niya sa ulo pero pinigilan niya ang sariling magalit. Paano’y panapanood sila ng lahat ng nasa loob ng silid na iyon.

“Gino, that’s too much. Pahiram na lang ng notes mo, hija. Ako na ang bahala.”

“No, Tita, it’s alright. Ako na ho,” aniyang pinasigla ang tinig. “Yon lang ba Gino?” aniyang tiningnan ito ng masama.

“Mabigat yata sa loob mo. Huwag na lang. Kanina kasi, gagawin ko sana ‘to kaso, tingnan mo naman, na-ospital ako ng wala sa oras, eh manghihiram lang naman sana-“

“Okay na Gino, gagawin na.” aniyang pinadilatan ito.

“Thank you, Mush…room.” anitong abot-tenga ang ngiti. “You’re the most and the very…”

“Don’t mention it.” Nagpaalam ulit siya. Nakangiti ang Mommy niya sa kanya halatang natuwa sa ginawa niya. Siya? Hind siya natutuwa! And walanghiya, humirit pa. Siya na nga ang gumawa ng cross stitch nito na sobrang laki pa ng piniling disenyo tapos ngayon… And he always uses all the same tactic. Yung tipong wala siyang mapagpipilian. Walanghiya talaga!

Series Navigation<< As Long As Forever: TeaserAs Long As Forever: Chapter 2 >>

23 thoughts on “As Long As Forever: Chapter 1

Leave a Reply