A Promise Not To Break: Chapter 2

This entry is part 4 of 18 in the series A Promise Not To Break

“ATE PRIE, I think I’m in love with you,” mahinang sabi ni Dave habang nagsusuklay ng buhok si Prie na katatapos lang maligo.

Napatigil si Prie ng marinig niya ang sinabi ng kinakapatid. Hindi niya alam kung matatawa ba siya o hahalakhak na lang ng malakas. Kung hindi lang niya iniisip na masasaktan ito kapag tumawa siya, gagawin niya talaga alin man sa dalawang iyon.

“Talaga?” nakangiting sagot niya rito. “Ako din, love kita. Sobrang love!”

Biglang nagliwanag  ang mukha ni Dave na kani-kanina lang ay konti na lang ay hahalo na sa kulay old rose na bedsheet ni Prie. “Talaga?”

Lalong lumapad ang pagkakangiti ni Prie. “Oo naman! Pagtiya-tiyagaan ba naman kita kung hindi?”

Nang sabihin niya iyon, lalong sumaya ang mukha ni Dave. Ni hindi man nito nahalata ang underlying na panunukso ni Prie. “Ibig sabihin—” simula nito.

Pero mas nauna siyang nagsalita. “Parang bunsong kapatid na kita eh! Lalo na bunso ako, natutuwa talaga akong meron akong surrogate brother. Kahit na kasing kulit mo,” biro niya rito.

Ngunit hindi yata nakita ni Dave ang nakakatuwa sa sinabi niya dahil bigla itong sumimangot. Batang ito, napakasumpungin! ngitngit ni Prie sa sarili. Kahit naman kasi moody siya, marunong pa rin siyang makipagbiruan. Hindi tulad ng Dave na hindi mo matantsa ang timplado.

“Linoloko mo lang pala ko,” nagbubwisit na sabi ni Dave.

Oh-oh. “Dave, ano bang sinasabi mo? Totoo ‘yun, no. Ayaw mo ‘yun? May ate ka na? Eversince naman ako na pinakaate mo di ‘ba?” pagpapaliwanag niya rito. “Si ate Ash 16 years ang tanda sa iyo. Si ate Andrea, 10 years. Oh, ayaw mo pa ba ‘ko? Ako na pinakamalapit sa age mo. Seven years lang. Tsaka tanggap naman kita kahit makulit ka at umiihi pa sa bed. Tignan mo, pinapatulog pa kita sa kwarto ko, ‘di ‘ba.”

“Iba naman ang sinasabi mo eh,” patuloy na pagmamaktol nito. Kulang na lang talaga ay sapakin na niya si Dave dahil nasosobrahan na siya sa ugali nito.

“Anong iba?”

“Ang sabi ko I love you! Ang bingi mo, ate Prie.”

“Ha?” naguguluhan niyang tanong niya rito. Sa pagkakaalam niya, iyon nga rin ang sinabi niya rito. Ano ngayon ang ipinagmamaktol nito? “Dave, ‘yun nga rin ang sinabi ko, dear. Hindi ba sinabi ko pa nga na mahal din kita?”

“Pero hindi kita gusto na kapatid,” sigaw nito sa kanya. Nabigla siya. Ilang sandali rin siyang hindi nakapagsalita dahil sa sinabi nito.

Nang makabawi siya, tinanong niya ang pinakamadaling tanong na pwedeng ibato sa isang six year-old, accelerated boy. “Sa’n mo naman natutunan ‘yan?”

“Ate Prie—”

“David! Saan mo natutunan ang mga ganyan, ha? Hindi komo grade two ka na ngayon kung ano-ano na ang mga napupulot mo ah. ‘Yan ba ang tinuturo sa inyo school?”

Sa sinabi niyang iyon, biglang namula mula leeg hanggang tenga si Dave. Halatang-halata ang pagkapahiya nito sa sinabi niya. Dalhin doon, buong akala niya ay titigil na ito. Isa kasi sa mga weaknesses nito ay ang pagkapahiya. Kapag napahiya ito, tumatahimik ito.

Kaya laking gulat na lang ni Prie nung magpatuloy ito sa pakikipagtalo sa kanya. “I read it.”

“What?”

“I said I read it. It said that you know you love a person if you feel happy when she’s around and lonely when she’s not. Then you think or dream about her everyday. Then your heart beats faster when you’re with that person,” paglilitanya nito. Gusto na niya sana itong barahin pero gusto pa niyang malaman kung anu-ano pa ang mga nalalaman nito sa mga libro na hindi naman dapat nito binabasa in the first place.

“…then you can’t imagine yourself without her, then—“

“STOP!” malakas na pigil niya sa sasabihin pa sana nito. Grabeng bata! May pagka-genius nga, kung anu-ano naman ang inaatupag alamin, isip niya. “Alexander David! At bakit nagbabasa ka ng mga ganyan? Kabata-bata mo puro love-love na inaatupag mo. Aba, daig mo pa ako? S’an mo nabasa iyang mga ‘yan ah?”

Kung pulang-pula ito kanina, siguro ay pwede na itong tawaging over-riped tomato ngayon. Bukod sa mukha nito, pati yata lahat ng parte ng katawan nito na nakalitaw sa pajamas nito ay pulang-pula na rin. “Nakita ko lang sa magazine…”

“Ah, nakita mo lang po sa magazine? At anong magazine naman po iyan?” tanong niya rito na inoover-emphasize ang salitang “po.” Nakakalimutan na yata nito na ate siya nito.

“Seventeen po,” sagot naman nito. “Nakita ko lang po sa kitchen. Sabi ni yaya naiwan daw nung isang cleaning woman. Po.

“Don’t use that tone with me Alexander David!” naiirita niyang turan rito. Minsan talaga ay nakakataas ito ng highblood ng sagad-sagaran. “Gusto mong pauwiin kita?”

“No.”

“Good. Now, let’s talk nice and clear. Ano ulit ang sinabi mo kanina?”

“I love you,” nakayukong bulong nito.

“At saan mo natutunan ‘yan?”

“Sa magazine po.”

“At bakit mo naman naisip basahin ‘yon? Naiintindihan mo ba lahat ng nakasulat d’on?”

“Hindi po.”

“At bakit mo naman ipinipilit na inlove ka,” pinipigilan ang tawang tanong ni Prie. Hindi naman nakatingin si Dave kaya hindi niya pansin na pinagtatawanan na siya ng ate Prie niya. “Sa’kin?”

“Because it said so there.”

“Did it say ‘Dave, you’re in love with your ate Prie who is seven years older than you’ there?”

“No—I mean, it described—”

“Yes?”

“It described what love is. So I know.”

“No, you do not,” may finality sa boses na sabi niya rito na lalong nakapagpayuko rito. “Dave, look at me,” utos niya rito.

Sumunod naman ito. Pulang-pula ang mga mata nito sa kakapigil sa pagtulo ng mga luha. Lalo na ang buong mukha nito. “Dave, pakinggan ma ‘ko. And pakinggan mo akong mabuti, okay?”

Sa kabila ng lahat, tumango naman ito. “Dave, si ate Prie ako. Ate mo ako. Whatever love you feel for me, malamang sa malamang, gano’n din ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa’yo. Bilang isang kapatid.

“I know you are a bright kid. Hey, accelerated ka! Magaling ka na ring magbasa sa English. Who can ever say that you’re not bright di ‘ba?”

“Sa Math din,” mahina nitong sabi.

“Oh, sa Math pa nga pala. See?” May kayabangan din talaga itong si Dave kung minsan-madalas eh, isip niya.”Pero dapat palagi mong tatandaan na there are a lot things na hindi mo kayang intindihin. Isa na ang love. Honestly, kahit ako hindi ko pa rin talaga naiintindihan ang love other than sa tinuturo sa Sunday school—”

“So wala ka pang boyfriend?” singit naman nito.

Ang kulit na bata! “Wala pa, no! Bata pa si ate Prie para sa mga ganyan. Lalo ka na. Six years old ka pa lang, Dave.”

“Pero pwede ko sabihin na crush kita?”

“Oh! Pati crush ngayon alam mo na? Aba! Iba na yata ang tinuturo talaga sa mga elementary ngayon,” natatawa niyang sabi niya. Ngunit ng may sasabihin pa sana ito, sumeryoso siyang muli.

“Dave, patapusin mo muna ako sa pagsasalita, okay?” Tumango ito. “Ayun, asan na ba ako—ah, ayun. Love. Mahirap intindihan iyan. Hindi mo siya maiintindihan by simply reflecting on what an article defines it to be. Ano nga ‘yung mga sinabi mo kanina? Yung you always dream about her etcetera- etcetera? Hindi lang ‘yon ang love. Isa pa, maraming uri ng love. Katulad ng pagmamahal ko sa’yo, love sa kapatid iyon. Sa pagmamahal mo kay tita Alexa at tito Mike, pagmamahal sa parents iyon. So hindi mo pwedeng sabihin na inlove ka sa isang tao, na hindi mo pa talaga naiintidihan ang concept no’n. Wala ka pa sa tamang edad,” mahaba niyang paliwanag rito habang sinusuklay sa kamay niya ang buhok nito.

Ang sarili niyang buhok, pinabayaan na lang niyang matuyo by itself. Kulot naman siya so hindi naman mapapansin kung nagsuklay man siya o hindi pagkagising niya.

“Ibig bang sabihin wala ka pa rin sa edad, ate Prie?”

“Oo naman,” sagot niya rito habang nag-iistretch na sa right side ng bed.

Umayos na rin ng pagkakahiga si Dave. “Ibig sabihin matagal pa bago ka magkaboyfriend?”

S’an ba talaga napupulot ni Dave ang mga pinagsasabi nito? Maliit ito para sa edad niya pero mas matanong pa kesa sa isang ten years old na bata. “Yes, matagal pa,” napapagod niyang sagot. Inaantok na siya, lagpas alas-diyes na kasi.

“Ibig sabihin okay lang kahit ako na lang ang boyfriend mo?”

“Ha?”

“Kasi sabi mo matagal ka pa bago magkaboyfriend—e ‘di ako muna boyfriend mo habang wala pa.”

“Anong koneksyon?”

“Kasi sabi mo—”

“O sige na, sige na. Ikaw na muna ang joke-joke na boyfriend ko ngayon, matigil ka lang sa kakakulit.”

“Nakukulitan  ka na sa’kin, ate Prie?”

“Itry mong kulitin ang sarili mo katulad ng pangungulit mo sa’kin mapapagod ka talaga,” sagot niya rito. Really, Dave could drain even the most patient of men. “Inaantok na ‘ko, Dave, tulog na tayo, ha? Bukas na ulit ang mga tanong. At ‘wag nang magbabasa ng kung ano-ano tungkol sa love. Hindi tama ‘yan. Hindi ‘yan tinuturo sa Sunday school. May pasok pa tayo bukas.”

“Okay, ate Prie. I love you.”

Kahit na antok na antok na siya, hindi pa rin niya napigilang tumawa sa sinabing iyon ni Dave. “Oo na. I love you, din. Matulog na tayo. Don’t wet the sheets, okay?”

“Ate Prie naman!”

“Goodnight na.”

“Goodnight. Sweetdreams.” Yehey! Boyfriend ako ni ate Prie!

**

“Tita, si ate Prie po?” tanong ni Dave kay tita Mel, mama nina Prie, nang makasalubong niya ito sa gate ng bahay ng mga ito.

“Si ate mo? Hayun nasa loob, may mga bisita siya,” sagot nito habang may hinahanap sa dala nitong shoulder bag.

“May bisita po? Bakit?”

“Gumagawa kasi sila ng project para yata sa Science nila,” sagot nito habang abala pa rin sa paghahanap ng kung ano sa bag nito. “Makikipaglaro ka ba dapat?”

“Ah, eh sana po. Kaya lang may mga bisita.”

“Okay lang ‘yan. Malapit na rin naman silang mananghalian. Ah—eto,” sabi nito nang makita ang kung ano mang hinahanap nito. Iniabot nito ang isang accessory bracelet sa kanya. “Ipinabibigay ‘yan ng ate Ash mo. ‘Yan daw yung ipinabili ni ate Prie mo para late gift daw niya dahil nanalo ka sa quiz bee last last week.”

“Talaga po? Pinabibigay ni ate Prie?” tuwang-tuwang tanong niya.

“Oo daw.”

“Thank you, po. Eh bakit po ipinadaan pa sa inyo?” nagtatakang tanong niya.

“Kasi nga akala niya next week ka pa uuwi dahil nga kasama mo si Alexa. Eh, medyo busy ang mga ate mo ngayon, so ipapadaan ko na lang dapat sa mama mo dahil magkikita kami ngayon.”

“Ganun po ba. Akala ko din po hindi pa kami uuwi ni Mama, eh. Eh san po kayo magkikita ngayon?”

“Sa Batangas. My conference kasi kami r’on. Anyway, sige, mauna na ‘ko. Bahala ka na, ha. Bantayan mo na lang ang ate Prie mo. Pinopormahan nung groupmate niya eh,” nagbibirong bilin sa kanya ni tita Mel. Pagkatapos ay nagpaalam na ito at sumakay sa black Honda Civic ng mga Israel.

“Pinopormahan?” tanong niya sa sarili habang papasok ng bahay. “Ang ibig sabihin ba n’on, merong may gusto kay ate Prie?”

Nang makarating siya sa sala, nabigla siya dahil andaming nakakalat na art materials. Sa isang sofa, nakapatong ang mga colored papers at cartolinas. Sa isa naman nakapaibabaw ang mga gunting, pandikit at mga ruler na iba’t iba ang shape, tsaka iba pang mga gamit na hindi niya alam kung ano ang tawag. Nakapatong naman sa coffee table ang maliliit na models ng iba’t ibang hayop. At sa bandang ibaba, sa may sahig, nakalagay ang isang rectangular aquarium.

“Ate Prie?” tawag niya habang iniiwasan ang mga kalat sa sahig. Bakit walang tao? isip niya. Ang sabi ni tita Mel maraming bisita…

“Oh, Dave!”

Nabigla siya sa biglang pagtawag sa pangalan niya kaya muntik na siyang matisod sa isang lump ng mga pinaggupitan sa sahig ng lingunin niya ang pinagmulan ng boses. “Ate Prie! Ginulat mo ko!”

Galing ito sa kusina. “Kasalan ko ba namang magugulatin kang bata?” natatawang sabi nito habang naglalakad palapit sa kanya. “Ang aga ng uwi niyo ni tita?” tanong nito habang nakapatong ang kamay sa ulo niya. Ayaw niya ang ginagalaw ang buhok niya, pero dahil si ate Prie niya ang gumagawa n’on, okay lang sa kanya.

“Kasi baka matagalan daw si mommy sa Batangas dahil may inaayos daw na bagong concert niya eh. So inuwi na niya muna ko dito sa Pampanga para raw hindi ako masyadong mag-absent sa school.”

“Ah, ganun ba. Ang bilis naman ng pag-uwi ni tita. Anyway, kakain na kami, tara, sabay ka na. Papakilala kita sa groupmates ko,” yaya nito sa kanya habang ginigiya siya patungo sa kitchen.

“Ate Prie, nakuha ko na yung bracelet. Thank you!” sabi niya rito habang naglalakad sila.

“Oh? Asan? Hindi mo naman yata suot eh,” biro nito sa kanya. “Tsaka dapat pathank-you ka rin kay ate Ash, ha. Siya yung bumili niyan eh.”

“Okay,” sang-ayon niya rito. Maya-maya ay inilabas niya mula sa bulsa ng khaki shorts niya ang bracelet at isinuot sa kamay niya. “Suot ko na!” sabi niya kay Prie pagkapasok nila sa kitchen.

Tumalikod ito upang makita kung suot nga niya. Nang makita nitong suot nga niya, nginitian siya nito. Ramdam na ramdam niya ang pagragasa ng dugo sa mukha niya. Thankfully, hindi na napansin ng ate Prie niya ang pagbablush niya dahil lumingon rin itong agad.

“Hey guys, meet my little bro, Dave,” pakilala nito sa kanya sa apat na tao na nakaupo sa kitchen dining table.

Medyo nairita siya dahil kapatid na naman ang pakilala nito sa kanya. Nakalimutan na kaya nitong siya ang boyfriend nito? Nang bumaling siya sa mga groupmates nito, napansin niyang may dalawang babae at dalawa ring lalaki. Sino kaya ang may gusto sa ate Prie niya?

“Oi, alam niyo bang little genius ‘to? Mukhang maaaccelerate na naman yata eh,” nakangiting sabi ni Pries a mga bisita nito. “Baka maabutan pa tayo!” Pagkasabi nito niyon ay nagkatawanan silang lahat.

Tama ba ang dinig niya? Ipinagmamalaki siya ni ate Prie niya? Nakakatuwa naman.

“Dave,” baling sa kanya ni Prie, “Yung naka-blue, si Donna, yung katabi niya, si Bryan. Yung isa pang girl, oi Miccha! Ayun, yung nakastripes si Miccha. Yung nakabrown si Ishmael,” pagpapakilala nito sa mga kasamahan niya sa kanya.

Unang nagsalita yung Ishmael. “Ang cute naman na bata. Akala ko ba bunso ka?”

“Bunso nga, pero parang kapatid ko na rin ‘to. Ninang ko yung mommy niya eh. Si Alexa Fuentebella?”

“Yung pianist?!” gulat na tanong nung Miccha.

“Yup,” sagot ni Prie.

“Wow, heavygat ka pala kapatid,” komento naman nung Donna.

“Eh, Priscilla, sino ba ‘yun?” nagtatakang tanong ni Bryan. “Pasensya, hindi ako into music, eh.”

“Yung internationally acclaimed na pianist na nakilala nung nagustuhan ni Queen Elizabeth yung pagtugtog niya sa London Philharmonic,” singit noong Ishmael. “Hindi ba, Prie?”

“Ah, oo, bestfriend kasi siya ni mama.”

“Ate Prie…”

Bumaling ito sa kanya. “Gutom ka na?” tanong nito. Nang tumango siya, nagpaalam muna ito sandali upang ihanda ang lunch nila. Nagluto daw kasi ito ng pan-pizza at spaghetti. “Dito na lang tayo sa kitchen kumain, no? Okay lang ba sa inyo?” tanong nito sa kanila. At dahil tumango na silang lahat, hindi na siya kumontra pa kahit na hindi siya gaanong pabor. Nahihirapan kasi siya kapag sa kitchen table dahil hindi niya gaanong maabot ang mesa.

“Alam mo, lagi kang naikukwento ni Prie, close talaga kayo, no?” tanong ni Ishmael sa kanya. Ito ang katabi niya sa gawing kanan. Sa kabila kasi niya si Prie.

Hindi niya alam kung bakit pero naiirita siya sa dating ng Ishmael na ito. Pero dahil bisita sila ni ate Prie, dapat siyang magbehave. “Opo,” magalang na sagot niya.

“Wow, ang galang naman na bata,” sabi nito sa kanya. At ang hindi niya inaasahan ay ang paghawak nito sa buhok niya. Nang bigla niyang iiwas ang ulo niya, natigilan ito.

“Hay naku Mael, wag mong hawakan ang buhok niyan. Nagiging monster ‘yan pag ginagalaw ang buhok,” babala ni Prie ng makita niya ng ginawa ni Dave saktong pagpasok niya.

“Talaga?” tila nagtatakang tanong nito. “Bakit kanina—?”

“Ako lang yata ang nakakahawak sa buhok niyan eh. Eh baby ko yan eh,” sabi ni Prie nang madaan ito sa likod niya. Akala niya ay hahawakan nito ang buhok niya, pero sa halip ay may ipinatong itong throw pillow sa ulo niya. “Oh, cute, upuan mo,” sabi nito at pagkatapos ay inilapag na nito ang tray ng pan-pizza sa gitna ng mesa.

“Aga mo namang nagka-anak, Prie,” biro ni Miccha.

“Ganyan talaga. Magaling daw akong mag-alaga eh,” tatawa-tawang sagot naman ni Prie sa kaibigan.

“Nas’an na yung spag?”

“Ay, wait lang kukunin ko na—”

“Samahan na kita, Prie,” alok ni Ishmael na biglang tumayo at sumunod kay Prie kahit na hindi naman niya narinig na umoo ang ate Prie niya.

“’Yan talagang si Mael, epal,” natatawang sabi ni Bryan pagkaalis ni Ishmael. Sa sinabi nito, napatingin si Dave sa kanya. Si Ishmael yung sinasabi ni tita kanina? Kaya siguro hindi niya gusto ito kahit na mabait naman itong makipag-usap. Hindi, hindi ito mabait! Gusto nitong agawin ang ate Prie niya!

**

“Prie, ganun ba talaga katahimik ang kinakapatid mo? Bago ka pumasok kanina hindi siya halos nagsasalita talaga, eh.”

Napalingon bigla si Prie dahil hindi niya namalayan na nasa likod na pala niya si Mael. “Si Dave?” tanong niya rito. Nang tumango ito, noon niya binasag ang kainosentihan nito. “Hay naku. Akala mo lang yan. Makulit ‘yon, no. As in super kulit. At kung akala niyo sumpungin ako, naku, iyon yata ang epitome ng moody.”

“Pero mukha namang mabait talaga siya.”

“Mabait naman si Dave, matalino din, pero ‘yun nga, sumpungin ng bonggang-bongga.”

“Crush ka yata niya, hindi ba? Nagblush nung nginitian mo.”

“Ngee, napansin mo ‘yun?” natatawa niyang tanong. “Ganyan lang ‘yan. Ako kasi madalas ang kasama eh. Pero makakalakihan din niya,” sagot niya at saka iniabot rito ang isang serving ng spaghetti habang dala naman niya ang isa pa.

“Crush din kita,” walang pasakalyeng sabi ni Ishmael. “At sa tingin ko hindi ko na makakalakihan ‘yon.”

Sandaling natigilan si Prie sa sinabing iyon ni Mael, pero agad rin siyang nakabawi. “Okay lang ‘yan. Crushable kasi talaga ako eh,” pabiro niyang sagot dito. Ayaw muna niyang seryosohin ang mga ganoong usapan.

“’Di nga.”

“Mael, please, bata pa tayo. ‘Wag mo muna seryosohin ang mga ganyang bagay, owkie? Tsaka na ‘yan.”

“Pwede na ba kapag graduate na tayo?”

“Ng college? Why not?” nakangiting sagot niya rito. “Pero hin—” May sasabihin pa sana siya pero may napansin siyang parang may gumalaw sa may pintuan na naiwan nilang ajar.

“What?”

“I thought I saw—never mind.”

“You were saying?”

“What? Ah—sure, you can try again after college, though I doubt crush mo pa rin ako n’on,” nakangiti niyang sabi kay Mael. “Besides, hindi naman natin alam kung anong mangyayari years from now ‘di ba? You can try, but I don’t want to give you false chances.”

“May—may iba ka bang gusto?”

“Ako? Wala no! Isa lang ang gusto ko, at si Jesus ‘yon. Bata pa kasi ‘ko—pa tayo, para sa mga ganyan. Tara na nga, malamang gutom na iyong mga iyon.”

**

“Uy, kumain ka na.”

Ayaw niyang kumain. Kahit na paborito pa niya ang spaghetti at sinusubuan pa siya ni ate Prie. Isa pa, hindi na siya bata para subuan, no! Nakakahiya sa mga groupmates nito yung pambe-baby ni ate Prie sa kanya.

“Dave, ayaw mo ba ng spag? Niluto ni mama at ate yan. Kumain ka na dali. Mauubusan ka, malakas kumain ‘yang mga iyan,” bulong ni Prie kay Dave habang kumakain na sila. Sino ba naman ang gaganahan kumain kung kasabay at katabi mo ang taong may crush sa girlfriend mo? Baka hindi nalalaman ni Mael, may boyfriend na si ate Prie, at siya iyon!

“David.”

“Kakain na po,” wika niya. Hindi niya pwedeng ipahalata na narinig niya ang pag-uusap ng ate Prie niya at ni Mael kanina. Baka pag-isipan pa siya na walang galang ni ate Prie. Ayaw pa naman niyang nadidisapoint ito sa kanya. Isa pa, baka pagtawanan siya ni Mael kapag nalaman nito na nagagalit siya dahil kinakausap nito ang ate Prie niya.

“Ate Prie, matatapos na ba kayo?”

“Ha? Hindi pa eh, iaassemble pa namin yung project, eh. Why?”

“Kasi…Pwede ba ‘kong matulog na lang dito? Kasi wala na naman si mommy.” Kailangan mabantayan niya ang ate Prie niya!

“Okay lang sige. Basta stay ka muna sa room ko, okay? Madami pa kaming gagawin, eh,” payag nito sa request niya. Sa room lang ako? Pano kita mababantayan? “Pero marami ka naman pwedeng gawin dun, o kaya gawa ka na ng homework. Tawagan ko na lang si yaya Lisa.”

Gusto pa sana niyang magprotesta dahil gusto niya nasa sala din siya. Pero tumango na lang siya,  pwede naman siyang magbantay mula sa stairs.

**

“Anong ginagawa mo d’yan?”

Muntik na siyang mapasigaw ng biglang magsalita mula sa likuran niya si tita Mel. Kahit kailan talaga, madali siyang magulat ng mga tao sa bahay ng mga Israel.

“Eh tita, sabi po kasi ni ate Prie mag-stay na muna po ako sa room niya, eh.”

“Maglalaro ba dapat kayo?” Tumango siya. “Eh bakit nandito ka?” ngunit bago pa siya makasagot, sinundan na nito ang tingin niya. “Oh, andiyan na naman pala si Ishmael?”

“Opo,” flat na sagot niya.

“’Yan yung sinasabi ko sa’yo na halatang may crush sa ate mo. Pogi , ‘no?” tila nanlolokong sabi ni tita Mel. “Mabait din ‘yan. Sa pagkaka-alam ko, ‘yan din ata ang crush ng ate Prie mo, eh. Pero ayaw umamin. Bata pa daw kasi. At siyempre, pabor na pabor ako d’on!”

Napatitig siya sa tita Mel niya dahil sa sinabi nito. Crush din ‘yan ni ate Prie? Hindi pwede! “E bakit po nandito na naman siya?”

“Ah, hindi ko alam. Anong oras na ba? Aga ng batang ito, ah, parang intsik!” natatawang turan ni tita Mel. Pero siya, malayo sa tuwa ang nararamdaman niya. Naiinis siya. “O sige, bababa na muna ako at kailangan ako ng ate Prie mo,” dagdag pa nito na ginawaran pa siya ng isang kindat. Nakababa na ito ng ilang hakbang ng bigla itong may maalalang sabihin sa kanya. “Oo nga pala, Dave, hinahanap ka ng mommy mo, sunduin niyo raw ang Daddy mo sa airport.”

“Umuwi si daddy?” gulat na tanong niya.

“Oo,” natatawa nitong sagot ng makita ang reaksiyon niya. “May mahalaga yata kayong pag-uusapan, alam ko.”

“Uuwi na po ako!”

“O sige, dahan-dahan lang sa pagtakbo.”

“Opo!”

**

Series Navigation<< A Promise Not To Break: Chapter 1A Promise Not To Break: Chapter 3 >>

78 thoughts on “A Promise Not To Break: Chapter 2

Leave a Reply