A Promise Not To Break: Chapter 1

This entry is part 3 of 18 in the series A Promise Not To Break

“ATE PRIE!”

Nang marinig ni Prie ang pangalan niya mula sa loob ng kabinet, agad siyang pumunta doon at agad na binuksan iyon. Ngunit ng buksan niya ito, hindi niya agad nakita ang may-ari ng boses dahil nakaharang ang mga mamahaling damit na halatang damit pambabae. Ang ganda naman ng mga damit ni tita Alexa, isip niya.Ngunit pinalis niya agad iyon ng makita ang mga paa ng batang hinahanap niya.

Itinabi niya ng mga nakaharang na damit at agad-agad niyang sinakop sa isang yakap ang nanginginig na bata. Kumapit naman ito sa leeg niya ng mahigpit na mahigpit. Feeling niya ay mapapatid ang kanyang hininga pero hindi siya nagreklamo. Masyado ng takot ang bata para pagsabihan pa niya.

Binuhat niya ito at hinaplos ang buhok nito na basang-basa ng pawis habang nababasa ang kanyang leeg ng di mapatid na luha nito.

“Tahan na, Dave…tahan na… nandito na si ate…”

Ilang minuto siyang nanatili sa pang-aalo ng batang buhat-buhat niya bago ito tumigil sa pag-iyak at naging paputol-putol na paghikbi na lamang ang maririnig mula rito.

“Oh, okay ka na?” maya-maya’y tanong niya rito.

“O-opo,” humihikbing sagot nito. Inilipat nito ang ulo sa kabilang balikat niya pagkasabi noon.

Para sa isang six years old na bata, maliit si Dave. Marahil ay resulta iyon ng madalas na pag-kakasakit nito noong toddler pa ito. Idagdag pa na hindi masyadong hands-on sa pagpapalaki ang mommy nito na isang sikat na international pianist. Ang daddy naman nito ay madalas ring nakabase sa ibang bansa dahil ang main branch ng shipping lines na pag-aari nito ay nasa Australia. Nakakalungkot mang sabihin, kadalasan ay yaya lamang ang kasama ni Dave sa paglaki nito.

“Ate Prie…’wag mo kong iiwan…”

“Of course, kiddo. Dito lang ako…”

Pagkasabi niya noon ay muling kumulog ng malakas kasunod ang pagguhit ng kidlat sa labas ng bintana. Napasubsob muli ang bata sa balikat niya kaya yinakap niya ito ng mas mahigpit. Hindi na maingay ang naging pag-iyak nito tulad noong pumasok siya, ngunit naramdaman niya ang muling pagtulo ng luha nito sa kanyang balikat.

Ilang minuto din silang nasa ganoong posisyon habang hinahaplos niya ang likod nito. Sa labas, naging banayad na ang pagpatak ng ulan kaysa kanina. Nang maramdaman niyang tumigil na si Dave sa pag-iyak, itinaas niya ang mukha nito mula sa kanyang balikat at pinunasan ang basang mukha nito gamit ang kaliwa niyang kamay.

“Oh, humihina na ‘yung ulan, hindi na siguro kukulog niyan, tahan na okay?”

Marahan itong tumango. “At saka, ‘pag ‘di ka tumigil sa pag-iyak, papangit ka! Mawawala na ‘yang kacute-an mo,” biro niya rito. Gusto niya kasing patawanin ito. Palagi na lang kasi itong tahimik at malungkot.

Kahit papaano ay ngumiti naman ito. “Hindi ako pwedeng pumangit…”

Lalo siyang natawa. Tila sineryoso talaga ni Dave ang biro niya. “Oo, hindi ka talaga dapat pumangit. Kundi hindi na tayo bati no’n! Ayoko ng kapatid na pangit no!”

“Hindi mo naman ako kapatid eh,” may kunot sa noong sagot nito.

“Kumain ka na ba?” pag-iiba niya sa usapan.

Umiling ito. “Why? Didn’t yaya give you anything to eat?”

“She did. But it was veggies so I let Myrshie eat it,” mahinang sagot nito na ang tinutukoy ay ang German shepherd na aso ng mga ito.

“Alexander David Fuentebella! Bakit mo na naman ginawa iyon? Hindi ba napag-usapan na natin ang tungkol sa pagsasayang ng pagkain?” saway niya rito habang ibinababa ito sa side ng kama. Ayaw pa sana nitong bumitaw ngunit ng marinig nito ang istriktong boses niya, naupo na ito sa kama.

Habang tinitignan niya ito na nakaupo sa king size bed, parang gusto niya lalong maawa rito. Kulang sa kalinga ang bata. “Pero hindi naman nasayang, eh. Kinain naman ni Myrshie lahat.”

Kung hindi lang talaga ito nakakaawang tignan, gusto niya itong sigawan dahil sa pagkapilosopo nito. “Dave,” malumanay na simula niya. “Pinag-usapan na natin ang tungkol sa pagsagot ng ganyan, ‘di ‘ba?”

Tila napahiya ito sa sinabi niya at napayuko ito. Sa tingin niya ay parang gusto nitong maiyak ulit dahil sa sinabi niya. “Dave—face ate Prie,” sumunod naman ito. At tama ang kutob niya, naluluha na naman ang mga mata nito. “Hindi ba pinag-usapan na natin kung ano ‘yung tama at mali? Bakit hindi mo na naman sinusunod si yaya Lisa?”

“I—I, it’s just that I don’t really like ampalaya. Mapait ‘yun di ‘ba? Tapos sabi ni yaya mabuti daw ‘yun para tumangkad ako. Eh, pa’no ako tatangkad dun? Eh, mapait—hindi ba lason ‘yung mapait?”

Napangiti siya sa kainosentehan ni Dave. Makulit itong bata, pero minsan ay may sinasabi ito na talagang nakakatuwa kahit na hindi nito sadyain. “Hindi ba, ate Prie?”

“Hindi. Gulay ‘yun, pa’no ka naman malalason? Tsaka ang gulay, hindi lang nakakatangkad. Yung ampalaya, nakakatalas pa ‘yun ng paningin,”sagot niya rito.

Hindi na niya isinali na mali ang sinabi ni yaya Lisa na pampatangkad ang ampalaya, nakakahiya kasi sa yaya nito, kahit na masasabing hindi ito well-educated, mabait ito kay Dave. ‘Yun nga lang, sumobra yata sa bait dahil may pagka-spoiled ang bata. At malamang kaya nito sinabi na pampatangkad ang ampalaya ay dahil iyon ang madalas idaing ni Dave. Madalas kasi itong nabubully sa school dahil sa liit nito.

“Ate Prie, ba’t ngayon ka lang? Kanina pa kami lumabas sa school eh.”

Pagkabanggit niya sa school, noon lang niya naalala ang basang-basa niyang uniform. Kagagaling lang kasi niya sa school, at saktong kabababa lang niya sa service noong biglang bumuhos ang ulan. Pagpasok niya ng bahay, magpapalit na sana siya pero biglang naalala niya na takot sa kulog at kidlat si Dave kaya bigla siyang napatakbo sa kabilang bahay.

“Kauuwi ko lang eh.”

“Why? Hindi ba sabay naman tayong umuuwi dati?” tanong nito. Simula kasi ngpumasok ito bilang grade one sa pinapasukan niyang academy noong elementary, sabay na silang umuuwi. Ngunit ng maghigh-school siya, napilitan siyang mag-iba ng school dahil college na ang dalawa niyang ate at kailangan nilang mas bigyan pansin ang gastusin ng mga ito. Ang panganay kasi nila ay kumukuha ng Medicine, at ang ate Andrea niya ay kumukuha naman ng Dentistry. Although masasabing higher middle-class ang family nila, hindi pa rin sila ganoon kayaman upang manatili siya sa Montessori.

“Hindi ba nga, lumipat na kasi si ate Prie ng school, so hindi na tayo talaga magkasabay. Mas mahaba kasi yung school hours sa bago ‘kong school.”

“Oo nga pala. Pero alam mo, natakot talaga ‘ko kanina! Lalo na wala ka.”

Pagkasabi ni Dave no’n, noon lang din niya naalalang itanong kung bakit mag-isa lang ang bata sa bahay. “Nasa’n nga pala si yaya Lisa?”

“I don’t know. Kanina nasa kitchen siya—”

Tumingin si Prie sa may bintana. Patuloy ang paghina na ulan. At habang tumatagal, nararamdaman na niya ang lamig na dala ng pagkakabasa niya sa ulan at sa mga luha ni Dave. Tumayo siya. Ngunit bago pa siya makalakad, hila-hila na ni Dave ang damit niya.

“Ate Prie! Where are you going? Iiwan mo ‘ko mag-isa?”

“Ha?” wala sa loob na balik-tanong niya. Iniisip kasi niya na kailangan niyang hanapin si yaya Lisa at magpalit na rin ng damit. “Hindi—hahanapin ko lang si yaya Lisa. Halos one hour na ang ulan pero hindi ka man lang niya pinuntahan. Tsaka magpapalit lang ako ng damit—ikaw rin. Naka-uniform ka pa rin, oh, pero kanina ka pa nakauwi.”

“Ate Prie, you’re soaked!” gulat na sabi nito. Noon lang nito napansin na basa siya.

“Kaya nga. Uuwi lang ako sandali—magpapalit ako ng damit. Tapos balik agad ako rito.”

“Can’t—can’t I just come with you? I’m scared.”

“Dave, sandali lang si ate. Okay? Titigil na rin naman ang ulan niyan, so hintay mo lang ako dito, ha?”

Sa kabila ng pag-aalinlangan nito, tumango na rin ito.

“Sandali ka lang, ha?”

“Yes, super sandali lang talaga ako. Kaya habang hinihintay mo ‘ko, magpalit ka na rin ng damit. Tara, hatid muna kita sa room mo.”

“No—gusto ko dito lang ako sa kwarto nina mommy,” ayaw nito sa suhestiyon niya. Malamang ay namimiss na naman nito ang kanyang mga magulang  kaya hindi na rin siya humindi. Sa halip ay siya na ang kumuha ng mga damit pampalit nito bago niya hinanap si yaya Lisa at nagpalit ng damit niya.

“Sandali ka lang ha,” ulit nito ng nagpaalam siyang muli na uuwi muna.

“Yep. Sandali lang, super. So behave yourself, okay? ‘Wag kang aalis dito sa kwarto.”

“Okay, ate Prie.”

**

“Pasensya ka na, iha, hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Nahihirapan kasi akong makatulog nitong mga nakaraang mga araw dahil parating malamig—nadadali yata ang mga tuhod ko. Iyak ba siya ng iyak?”

“Nakita ko po siya sa may master’s bedroom, nanginginig po habang umiiyak. Pero okay na po siya ngayon.”

“Mabuti naman kung ganon,” sabi nito na tila noon lang nakahinga ng maluwag. “Salamat talaga, ha. At pasensya. Ako itong dapat na nag-aalaga sa kanya pero tulog ng tulog. Tignan mo, basang-basa ka pa. Hala, sige, ako na muna ang bahala sa kanya at magpalit ka muna ng damit sa bahay niyo.”

“Sige po, babalik po ako agad.”

“Ay hindi, okay lang, iha. Tiyak ko natutulog na ‘yon ngayon. Kaya alalahanin mo muna ang sarili mo. Balik ka na lang kapag natapos mo na ‘yung mga dapat mong gawin. Sigurado hindi ka titigilan ni Dave ‘pag balik mo rito. Eh, may pasok pa bukas.”

“Sabi ko po kasi—”

“Hayaan mo na muna ‘yon. Ako na ang bahala muna sa kanya. Anong oras pa lang naman. Sabihin mo sa mama mo dito ka na lang maghahapunan mamaya kamo.”

“Pero—o sige po, mag-aaral na muna po ako habang natutulog pa po siya. Eh, yaya Lisa, kailan po uuwi si tita Alexa?”

“Naku, baka sa susunod na araw pa. Tumawag nga kanina, eh, kinukumusta si Dave kaso nasa school pa kanina. Namimiss na nga raw niya yung bata eh.”

Ngumiti siya ng malungkot sa matanda. “Sa tingin ko naman po, kahit si Dave namimiss din si tita. Eh ayaw nga pong umalis sa kwarto nila eh.”

“Hay oo, kawawa ngang bata eh. Pareho kasing palaging busy sina ma’am at si sir Michael, kaya tuloy tignan mo, malulungkutin.”

“Oo nga po,” malungkot na sang-ayon niya. Nang mapatingin siya sa wall clock na nakasabit sa taas ng bed ni yaya Lisa, nagulat siya ng makitang alas-kwatro na. Kailangan na niyang mag-aral kung gusto niyang masamahan si Dave mamaya.

“Ay, sige po, yaya Lisa. Uuwi na muna po ako. Medyo madami po kasi akong homework ngayon eh.”

“O sige. Hintayin ka na lang namin mamaya ni Dave,” sang-ayon ng  mabait na yaya. “Tsaka pinapasabi pala ni ma’am Alexa na salamat daw sa pag-tiya-tiyaga kay Dave,” natatawa nitong sabi.

Natawa rin siya. “Si tita talaga! Eh parang kapatid ko na si Dave, eh.”

**

“Ma, sabi po ni yaya Lisa, doon na lang daw po ako kumain sa kabila para may kasama si Dave, okay lang po ba?” paalam ni Prie sa mama niya habang nagluluto ito. Katatapos lang niya sa mga homework niya.

Bumaling sa kanya ang mama niya bago ito nagpatuloy sa paghihiwa ng repolyo para sa nilagang baboy. “Mag-isa pa rin ba si yaya Lisa sa malaking bahay?”

“Hindi naman po ata. Meron po yatang ibang naglilinis, kaya lang po hindi live-in.”

“Ah… Ang mabuti pa, papuntahin mo na lang silang dalawa dito. Sayang naman itong ulam natin, gagabihin kasi si papa mo dahil may dinner meeting daw sila, so tayong dalawa lang sito.”

“Eh—wala po sina ate?”

“Hindi daw sila makakauwi ngayon dahil malapit na ang midterms nila. Mag-iistay na lang daw sila sa dorm.”

“Naku, sayang naman. Akala ko Thursday sila uuwi. Sabi ni ate Ash wala daw silang pasok bukas eh. May pinabili pa naman ako,” nanghihinayang niyang sagot. Bilang bunso kasi, medyo spoiled siya sa mga ate niya. Lalo na sa ate Ashley niya. Kahit na anong ipabili niya rito, binibili naman nito kapag umuuwi ito.

“At ano na naman ang pinapabili mo?” taas-kilay na tanong ng mama nila. Sanay na ito sa pagiging spoiled niya sa mga ate niya, kahit ito man kasi ay medyo maluwag sa kanilang magkakapatid. Ang papa nila ang istrikto.

“Secret,” nakangiti niyang sagot rito.  “Siyempre pang bata lang iyon!” nagbibiro niyang sagot sa mama niya. Cool mom naman kasi ito at mabilis maki-ride sa mga kalokohan nilang magkakapatid.

“Secret-secret! Sasabihin din naman ng ate mo sa’kin. Naku, sige na, pumunta ka muna sa kabila, malapit ng maluto itong ulam, kakain na tayo niyan. Sabihin mo dito na tayo kumain lahat. Kung may naluto na rin sila, sabihin mo dalhin na lang rin rito.”

“Yes, ma’am!” saludo niya rito. Habang palabas siya ng bahay ay naririnig pa rin niya ang tawa ng mama niya.

Pagdating niya sa bahay ng mga Fuentebella, tuloy-tuloy na siya sa pagpasok sa gate. Ngunit nang nasa may front door na siya, nalaman niyang nakalock ito ng pihitin niya ang seradura. Malamang ni-lock ni yaya Lisa dahil gustong lumabas ni Dave, isip niya.

Kakatok na lang sana siya ng biglang bumukas ang pinto na ilinuwal ang isang galit na Dave.

“Ate Pie! Bakit ngayon ka lang?” sigaw nito sa kanya habang nakakapit ito sa damit niya. Mababakas sa mukha nito ang galit kahit tila maiiyak na ito. “Sabi mo sandali ka lang! Gabi na eh!”

Titig na titig ito sa kanya. Grabe talaga itong spoiled brat na ‘to! Yumuko siya upang maging eye-level sila nito, sa height niyang 5’1, hanggang ibabaw ng waist lang niya ito.

“Sabi mo sandali ka lang.”

“Oo nga. Pero nung sinabihan ko si yaya kanina, sabi niya, ngayon na lang daw ako bumalik.”

“Pero sabi mo sandali ka lang!”

“Dave!” tawag ni yaya Lisa mula sa likod nito, “Bakit inaaway mo si ate Prie mo?”

“Because she broke her promise!”

“David! Tama ba ‘yan? Inaaway mo si ate Prie mo eh sinabi na nga na ako ang nag-utos sa kanya,” saway ni yaya Lisa sa makulit nitong alaga. Tumahimik naman si Dave dahil tinawag siyang David ni yaya Lisa. Kapag ganun kasi ang tawag nito sa kanya, ibig sabihin, sumosobra na siya.

“Yaya—”

“Magpasorry ka kay ate Prie mo.”

Tumingin sa kanya si Dave. Halatang galit pa rin ito, pero may kahalo ng pagsisisi ang ekspresyon ng mga mata nito. “I—I’m so—”

“David.”

“I’m sorry, ate Prie! I shouldn’t have screamed at you.”

Halata namang wala sa loob nito ang pagsosorry, at base sa ibinigay na tingin sa kanya ni yaya Lisa, pareho sila ng iniisip. Ngunit dahil alam niyang may kasalan din siya, hindi na niya sinita pa ito.

“It’s alright, Dave,” sagot niya rito. “By the way, yaya Lisa, sabi ni mama sa’min na lang daw kayo maghapunan. Kaming dalawa lang kasi.”

“Ay ganun ba iha? Kaya lang nakapagluto na ‘ko eh.”

“Okay lang daw po, dalhin na lang daw po sa’min,” sagot niya habang naka-squat pa rin sa harap ni Dave. Sa pag-uusap nila ni yaya Lisa, tila naleft-out ata ito dahil bigla na lamang itong sumingit sa pag-uusap nila.

Ayaw!” sigaw nito.

“Dave?” nagtatakang tanong niya rito. “Ayaw mo ‘kong kasama?”

Tila natulala ito sa sinabing iyon ni Prie. “I—”

Nakuha naman agad ni yaya Lisa ang bumabagabag rito. Ngunit sa halip na tulungan ito, tila sinadya pa yata nitong pahirapan si Dave. “O Prie, pakisabi na lang sa mama mo ayaw ni Dave. At saka ayaw ka rin namang makasama ni Dave, okay lang kahit na hindi ka na bumisita rito. Hindi dahil inaanak ka ni ma’am Alexa, may responsibilidad ka na bantayan ang alaga ko. Pakisabi talaga pasensya na.”

Hindi pa rin makapagsalita si Dave. At dahil medyo naiirita na rin naman siya sa kinakapatid niya, sinakyan na rin niya ang ginagawa ni yaya Lisa.

Tumayo siya ng maayos at naglakad palayo kay Dave. “Okay po, yaya Lisa.  Sasabihin ko na lang po kay mama—”

Ngunit hindi pa siya nakakalimang hakbang, may naramdaman na siyang humihila sa damit niya.

“Gusto kong kumain sa inyo, ate Prie…”

Nasa likod nito si yaya Lisa na hindi mapigil ang pagngiti. “Mauna na kayo, kukunin ko lang ‘yung ulam,” sabi nito.

Nang pumasok na ito sa bahay, hinawakan niya ang kamay na nakahawak sa damit niya. “Okay ka na? Bati mo na ulit si ate Prie?”

Yumuko ito. Pagkatapos ay marahang tumango.

“Good. O tara na! Naghihintay na si Mama niyan,” yaya niya rito. “O, smile ka na. Akala ko ba bati na tayo?”

“Bati na.”

“Gusto mo matulog sa’min ngayon?”

Pagkasabi niya noon ay napatingala ito agad sa kanya. Nagniningning ang mga mata. “Talaga?”

“Oo naman. Malamang pumayag naman si mama. Sa room naman kita matutulog.”

“I’d love that,” nakangiting sabi nito.

“Bawi ko na ‘to sa hindi ko pagpunta agad kanina,” natatawa niyang sabi rito. “Kaya ‘wag nang makulit, ha, cute?  Ayoko ng may katabing makulit na bata.”

“Kahit na cute?”

“Hindi ka na cute. Nakakunot pa rin ang noo mo eh.”

“Ate Prie!”

Natawa siya ng malakas. “Tara na!”

**

Series Navigation<< A Promise Not To Break: PrologueA Promise Not To Break: Chapter 2 >>

101 thoughts on “A Promise Not To Break: Chapter 1

  1. ow, wala kasi parents nya.. naiinlove na sya agad kay prie instead of sister lang maging tingin nya dito..

Leave a Reply