Stay with Me, Forever – Chapter 1

DIRE-DIRETSO ang paglagok ni Winona sa pag-iinom ng alak habang siya ay nasa may gilid lamang ng bar na  iyon. Hindi niya  mapigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha habang pinapanood  mula  sa malayo  ang pakikipaglandian ng kanyang boyfriend na si Arjo sa isang babae na  nakilala niya noong isang araw. Naaalala pa niya ang pag-uusap nilang dalawa ni Analisa, ang babaeng nilalandi nito  ngayon…

“Hi, are you  one  of  Arjo’s  friend?”  nakangiting  tanong ng isang magandang babae  kay Winona  habang  umiinom  siya ng isang buko juice  sa  gilid ng beach.
 
Tinanggal  ni  Winona  ang suot  na sunglass  at  saka matamang tinitigan ang babae. Maganda ito,  maputi, matangkad, sexy at napakaamo pa ng mukha. Hindi  tuloy naiwasan  ni  Winona  ang ngumiti  dahil  pakiramdam naman niya ay mabait  itong tao.

“Do  I know  you?”  magalang na tanong ni  Winona.  Ngumiti  naman  ito  dahilan para mas lalong  tumingkad ang  ganda nito.

“I’m  Arjo’s  girlfriend,”  nakangiting sagot  nito.

Halos  manlaglag  ang  panga ni  Winona sa  narinig  at  daig  pa yata niya ang nasuntok sa dibdib  sa  nalamang  impormasyon.  Paanong magiging girlfriend ito  ni Arjo kung 4  years na  silang  mag-on  ni  Arjo? Nagsisinungaling ba  ang babaeng ito  o  nagsasabi  ito  ng totoo?

“A-Arjo’s  girlfriend?”  nauutal  na tanong ni  Winona.  Nakangiti  namang  tumango  ito. “Yes.  Ang totoo  niyan, almost  one  month na ang nakaraan nang maging official.  Ewan ko ba naman  kay  Arjo, napakakulit  at  napakagentleman. Tatlong buwan din  siyang nanligaw sa  akin simula  noong nagbakasyon siya  dito  sa Boracay. Hindi  nga ako makapaniwalang pupunta talaga siya dito ulit para lang ipagpatuloy  ang kanyang panliligaw.”

Muling pumatak ang mga luha sa mapupulang pisngi ng dalaga. Kaya naman pala pinilit ni Arjo na doon nila  i-celebrate ang 4th  anniversary nilang dalawa  ay dahil  sa  kagustuhan nitong manligaw sa babaeng kasama nito ngayon. Kailan pa  siya  nito nakuhang lokohin? Kailan  pa  siya nito pinagmumukhang tanga at harap- harapang niloloko?  Hindi ba’t isang taon din ang tiniis nito noong nanliligaw pa  ito sa kanya? Nasaan na  ang tapat na pag-ibig nito sa  kanya?

Noong malaman  niya ang kataksilan nito  sa kanya ay  gustung-gusto niyang komprontahin ito.  Gusto niyang malaman  mismo sa bibig nito ang kalokohang ginagawa nito. Pero isang ngiti lamang nito  sa  kanya ay halos lumuhod na siya  at magmakaawa rito na huwag  siyang iiwan. Kaya  nga’t hindi niya ito kinumpronta  dahil sa takot na piliin nito ang babaeng iyon  kaysa sa kanya. At ayaw niyang mangyari iyon. Martyr na kung martyr pero ganoon  siguro talaga kapag nagmahal ka, titiisin mo  ang lahat ng sakit huwag ka lang iwanan  ng taong pinakamamahal mo.

Marahas niyang pinunasan  ang mga luha sa kanyang pisngi habang pinagpapatuloy ang pag-inom ng alak.  Ito  ang pinaka-unang beses niyang maglasing dahil ayaw na ayaw ni Arjo na  mag-inom siya. At dahil nga sa mahal  niya ito ay sumunod siya. Lahat ng ayaw nito ay sinusunod  niya. Lahat ng gusto nito ay binibigay niya, maliban  lamang sa isa.

Ang kanyang pagkababae..

Malimit nilang pagtalunan iyon kapag lumalagpas na sa  limitasyon  si Arjo. Lagi nitong iginigiit  na pakakasalan naman siya nito pero hindi pa din  siya pumapayag. Gusto niya kasing humarap sa altar  na malinis at gusto niyang patunayan sa sarili  na kaya niyang gawin iyon. Kaya naman minsan ay napapansin niya  ang panlalamig ni  Arjo sa  kanya pero hindi niya  iyon  pinapansin. Ngunit ngayon, hindi na niya alam kung paanong ignora ang gagawin niya  sa tuwing makikitang may ibang babae itong kasama maliban sa  kanya.

“Walanghiya ka talaga, Arjo. Nakukuha mo pang  makipaglandian sa ibang babae samantalang may  girlfriend kang hinayupak ka,”  nanggigigil na sabi ni Winona sa  sarili habang pinapanood  ang pakikipaghalikan nito kay Analisa.

Pakiramdam niya ay anumang oras ay sasabog siya. Makita lang niyang may kahalikang babae si Arjo ay parang gusto na niyang sugurin  ang mga ito anumang oras ngayon. Pero pinilit niyang pigilin  ang sarili.  Hindi niya kakayaning magmukhang kawawa ngayon. Hindi niya  kakayanin.

Hindi na  niya kayang titigan ang mga ito kaya’t  minabuti na lamang niyang umalis sa bar na  iyon. Hindi pa  siya  nakakalabas ng pinto  nang may mabunggo siyang isang  lalaki.

“S-Sorry,”  nakayukong  sabi niya  sabay lingon sa  loob ng bar. Nanlaki ang  mga mata niya ng makitang nakatitig lang din si Arjo sa kanya. May sinabi ito kay Analisa bago nagsimulang maglakad papunta  sa kanya.

Mabilis niyang nilagpasan  ang lalaking nakabunggo niya at hindi na niya napansin ang curious na tingin nito  sa  kanya. Nagmamadali siyang lumabas ng bar na  iyon at dinadalangin  na  sana ay hindi siya  mahabol ni Arjo pero huli  na.

Naramdaman na lamang niya ang paghawak ni  Arjo sa braso niya para  pigilan  siya  sa paglalakad.

“Winona,  wait!”

Napatigil si Winona  sa paglalakad at maging ang paghinga niya ay hindi niya magawa. Unti-unti siyang lumingon  para lang makita ang salubong na  kilay ni Arjo at ang galit nitong mukha.

“Gabi na  ah, bakit  nandito ka pa? Delikado na  dito sa labas,” galit na  sermon nito sa kanya. Hindi malaman ni  Winona ang sasabihin dahil  kung siya man ang tatanungin, siya dapat  ang magalit  at hindi ito.  Wala itong karapatang pagalitan siya na parang bata dahil ito  ang dahilang kung bakit siya pumunta ng bar na iyon.

“Nakainom ka  ba?” nanliliit ang  matang tanong nito sa kanya.

Dala marahil ng alak  ay nagawa niyang titigan  ito sa mga mata at tinitigan  ito ng masama.

“Ano naman  kung nakainom ako?  Bakit, concern  ka?” lakas-loob na sagot niya.

“At kailan  ka  pa  natutong uminom?  Hindi ba’t sinabi ko sa’yong hindi maganda sa babae ang uminom  ng alak?”

“Kung makapagsalita  ka,  daig mo pa ang tatay ko.  Wala kang karapatang  sermunan  ako dahil ikaw ang dahilan kung bakit ako nag-inom!” halos pasigaw na sabi ni Winona.

Hindi napansin ni Winona na nakakagawa na pala  sila ng eksena sa gitna pero wala siyang pakialam. Ang gusto lang niya  sa mga oras na iyon ay pakawalan ang galit  at sakit na nararamdaman niya  sa puso niya.  Gusto niya itong sampalin,  saktan at iparamdam ang sakit na  nararamdaman niya pero hindi niya  magawa. Hindi niya magawang saktan ang lalaking  pinakamamahal niya.

“Anong ibig mong sabihin?” nanggagalaiting tanong ni Arjo sa  kanya. Parang gusto tuloy niyang yugyugin si Arjo para lang ipaalala dito ang ginawa nitong pakikipaghalikan kay Analisa  kanina.

“Ang  galing mo  talagang  magmaang-maangan, grabe! Nakalimutan mo na lang ba bigla ang halikang pinagsaluha  nyo ng bago mong  girlfriend?” sarcastic na sabi ni Winona. Kitang-kita niya  kung paano magtaas-baba ang dibdib ni Arjo sa pagsiklab ng galit sa mukha nito.

“Nakita  mo?”  nanggagalaiting tanong ni  Arjo.

“Oo,  kitang-kita ng dalawa  kong  mga mata,” sarcastic  na  sabi ni Winona. “Kung ganoon, bakit  hindi mo pa ako nilapitan  kanina?  Bakit hindi mo pa ako kinumpronta kung nakita mo na pala akong may kahalikang ibang babae?” pasigaw na sabi ni Arjo sa kanya.

“Bakit  ba ikaw  pa  ang may  ganang magalit  imbes na ako?” naiiyak na  sabi ni  Winona.

Hindi  kasi sila  sanay na nag-aaway. Lagi kasing sweet at  maaalalahanin  si Arjo. Kaya nga sa  loob  ng apat na taon  ay sobrang napamahal si Winona rito.  At alam niyang hinding- hindi niya  kakayaning mawala ito  sa piling niya.

Imbes na  sumagot ay napahawak ng mahigpit si Arjo sa sarili nitong buhok at galit na galit na  nilapitan  siya. Hinawakan siya nito  sa balikat at  saka niyugyog.

“Bakit  ba ang  martyr-martyr mo, ha? Ganyan ka  ba katangang babae? Hindi ka ba marunong magalit o  magwala man  lang? Sampalin  mo ako! Magalit ka  sakin!” galit na sabi ni Arjo. Hinawakan ni Arjo ang mga kamay niya ay pilit na pinasasampal ang sarili ngunit hindi ito  magawa ni Winona.  Wala siyang nagawa kung hindi ang umiyak ng umiiyak.

“A-Ayoko, Arjo. H-Hindi ko  kaya,” umiiyak na sabi ni Winona.

Mabilis na binitawan ni Arjo ang kanyang mga kamay at malungkot na  tumingin sa kanya.

“I’m  sorry,   Winona.  But  we can’t  continue this  relationship anymore. I’m in love with someone  else,”  malungkot na  sabi nito.

Sa  isang iglap  ay naramdaman ni  Winona ang lahat ng takot at mabilis siyang yumakap nang mahigpit  kay Arjo. Pakiramdam niya ay anumang oras ay mamamatay siya sa oras na  humiwalay siya  pagkakayakap dito.

“Winona,  I’m sorry. Please, huwag  mong iyakan  ang isang tulad ko.”

“A-Ayoko, Arjo! H-Hindi ko  kayang makipaghiwalay ka  sa akin! O-Okay lang kung may iba kang mahal,  b-basta akin  ka lang!” umiiyak na sabi ni  Winona.

Hinigpitan  ni Arjo ang pagkakayakap sa  kanya ngunit maya-maya lamang ay lumuwag ang pagkakayakap nito  sa kanya dahilan para maalarma siya. Mas lalo niyang hinigpitan ang yakap dito.

“A-Arjo, huwag! H-Huwag mo akong iiwan!” natatarantang sabi ni  Winona.

“Winona, hindi mo  gugustuhing makasama ako gayung pinagtaksilan kita. At ayoko nang lokohin  ka  pa. Kaya please, stop this nonsense.”

Wala nang nagawa pa si  Winona nang kusang kumawala ang sarili niyang mga kamay sa pagkakayakap dito. Parang gumuho na ang mundo niya, ang mundong binuo niya kasama ito.

“I’m  sorry,” mahinang sabi ni Arjo sabay halik sa kanyang noo.  Tumango-tango na lamang si  Winona  at alam niya sa sariling talo na siya sa  labang iyon.  Iniwan na siyang mag-isa ni Arjo at ni hindi na siya nito nilingon pa.  Saka niya napansin  ang mga nakakaawang tingin ng mga taong nasa paligid niya.  Wala  sa loob na napasigaw siya.

“Oh,  ano? Tapos na  ang  palabas! Iwan nyo na ako!” sigaw niya  sa mga  ito.

Mabilis namang nagsipag-alisan ang mga ito at naiwan siyang mag-isa na parang tangang nakatayo sa gitna ng beach. Wala sa loob na muli siyang pumasok at sumunod kay Arjo. Nilagpasan niya  ito  at mabilis na umupo  sa harap  ng isang guwapong bartender.

“Margarita  please,”  sabi  niya sa bartender kahit na hindi niya ito tinitignan.

“Coming up,”  malamyos  ang boses na sagot nito dahilan  para mapatingin siya dito.

Nagulat na  lamang siya sa sariling nakatitig sa napakagwapo nitong mukha. Hindi lingid sa kanya ang matipuno nitong katawan na kung tutuusin ay mas maganda pa kaysa sa katawan ni  Arjo.

Stop it.

Anong  stop  it?  Gusto  ko  ‘to  noh.

Hindi pinansin ni  Winona ang pagtatalo ng sarili niya  sa sariling konsensya. Nagpakasasa siya  sa pagtitig sa  guwapo nitong mukha at sa  ngiti nitong nakapagpapalalim sa mga biloy nito.  Nakapagtatakang sa kabila ng pagiging brokenhearted niya ay nagagawa pa din  niyang maka-appreciate sa  kagwapuhan ng isang lalaki.

“Here’s  your  margarita,  lady,” nakangiti nitong sabi sa  kanya. Isang  tipid na ngiti ang sinagot niya rito at saka tuluy-tuloy na nilagok.  Kanina pa siya umiinom  kaya’t ramdam na  ramdam niya  ang kalasingang bumabalot  sa  buo niyang pagkatao.

“Lasing  ka  na, Winona. Let’s go home,” rinig ni  Winona na sabi ni  Arjo  mula sa likuran niya.  Hindi niya  ito pinansin saka humingi ulit ng margarita sa bartender. Nakangiti namang binigyan siya  nito na para bang aliw na  aliw sa nakikitang eksena.

“I  said, stop!”  galit  na sabi ni Arjo sabay hawak sa braso niya. Hindi na  napigilan pa ni Winona ang pag-alpas ng palad niya  at dumapo ang isang matunog na  sampal sa pisngi nito. Ni hindi  ito tumingin  agad sa  kanya at para bang pinapakiramdaman pa din ang sampal  na  ginawa niya.

“Ikaw ang tumigil!  We broke up so you don’t have the right to act like  my boyfriend! So  get  lost!”  galit  na  sabi ni Winona.

Tinitigan  naman siya  ni Arjo at walang mababakas na emosyon sa mga mukha nito.

“I  can’t.  You’re  still under my  responsibility.”

“No, you’re  not.  Huwag  kang mag-alala. Kung may mangyari mang masama sa akin, si kuyang bartender ang bahalang magsabi na wala  kang kasalanan  sa nangyari sa akin. Right, mr. bartender?” nakatinging  sabi ni Winona sa bartender. Tumawa  naman ng mahina ang bartender bago sumagot.

“Yeah, right,” nakangiting  sabi nito.

“Don’t  interfere  with this,  Jason,” may bantang sabi ni Arjo sa lalaki.  Pinagtaasan  lang naman siya  ng kilay  ni Jason saka ngumisi.

“I  can’t, Arjo. Sinabi na din ni Ms. Beautiful na  ako ang magsasabi kapag  may mangyaring masama sa kanya  so it  means that  I’m already involve,” nakangisi nitong sabi  sabay tingin kay Winona.

Ewan  ba  ni Winona  pero pakiramdam niya  ay biglang bumilis ang tibok ng puso niya sa simpleng tingin nito  sa kanya. Jason?  Who is he? Bakit sila magkakilala ni  Arjo?

“You know each  other?”  salubong  ang kilay  na tanong ni Winona.

Ngumiti ng matamis si Jason saka sumagot.

“Yes,  we were a  rival  for  almost ten years from now.”

44 thoughts on “Stay with Me, Forever – Chapter 1

  1. ask ko lang MARIELYN09 yong jason the bartender dito sa stay with me,foreever ,siya din ba ang jason sa when heart choose?…..

Leave a Reply