Pst! Mag-subscribe upang mabasa ang aming mga bagong istorya sa inyong inbox! (ito ay LIBRE kaya huwag mahiya!)  
Home » Symfony Series

If

2 November 2009 8 Comments

Masakit ang ulo niya sa sobrang puyat ng nagdaang gabi. Halos lahat ng trabaho sa opisina ay natapos na niya. Inuwi niya kasing lahat iyon ng nagdaang araw sa kagustuhang maokupa ang kaniyang oras sa buong magdamag. Kinatatakutan niya ang oras na makapag – isip. Kagaya ngayon na hindi niya maituon ang kaniyang oras sa pagmamaneho ng kaniyang Nissan Sentra at sa halip ay kung anu – anong alalahanin ang sumasagi sa isip niya.

Dalawang baryo na lamang at nasa San Simon na siya. Tinatahak pa lamang niya ang San Sebastian ay kinakabog na siya ng samu’t saring emosyon. Ito ang unang beses niyang pag – uwi sa kinalakhang probinsiya mula nang mamatay ang kaniyang Lola Mela. Kung hindi pa itinawag ng kaniyang ina na mahina na ang kaniyang Lolo Vito ay hindi niya maiisipang umuwi. Nakaramdam siya ng bahagyang guilt sa alalahaning iyon.

Kalahating oras pa ang inabot ng biyahe niya at sa wakas ay narating niya ang tahanan ng pamilya na nakatirik sa mataas na bahagi ng  baryo ng San Simon. Isa iyong two – storey house na ipinatayo pa ng kaniyang maternal grandparents maraming dekadang taon na ang nakalilipas. Gawa ito sa pinagsamang pawid, de – kalidad na uri ng kahoy at kulay maroon na mga bricks. Sa harap ng lumang bahay ay ang hardin na naiwan ng kaniyang Lola Mela at pinagyaman ng kaniyang inang si Celeste. Dahil sa nag – iisang anak ito, napahinuhod ang kaniyang ama na doon na rin sila pumisan at maging kasa – kasama ng mga matatanda.

Papasok pa lamang ng bahay sa loob ng bakuran ay nag – iba na ang pakiramdam niya. Tila siya napapasong hindi mawari habang pinagmamasdan ang mga halamang bumabakod sa bakuran. Ipinilig niya ang kaniyang ulo upang maghanda sa pagbaba. Agad niyang natanaw ang papasalubong na ina at dalawang dalagitang sa tingin niya ay apo ng katiwala nilang si Nanay Simang. Sa loob na rin ng kanilang bakuran nakatayo ang munting kubong tinitirhan nito at ng maliit na pamilya noon pa mang bata siya. Napangiti siya, hindi na biro ang tagal ng panahong ipinaglingkod ng matanda sa kanilang pamilya. Paslit pa lamang siya ay nakagisnan na niya ito hanggang sa siya ay magka – edad.

Nang makababa ng sasakyan ay agad siyang sinalubong ng yakap ng ina. Hindi nalingid sa kaniya nag pangingilid ng luha nito kaya’t pinili na lamang niyang ilayo ang tingin mula rito upang hindi mahawa sa emosyon ng ina. Hinawakan niya ito sa braso at iginiyang pumasok kasunod ang dalawang dalagitang nasa likuran nila.

“Mabuti at maaga ang naging dating mo, iha. Ang akala namin ay gagabihin ka dahil malayo ang Menila.” Bungad nito habang pinapanhik nila ang pitong baitang na hagdan ng bahay.

“Maaga po akong umalis doon, Mamang. Ayokong tanghaliin sa daan, sira pa naman ang aircon ng kotse ko.”

“Sana’y nagsabi kang darating ka ng ganitong oras para nakapaghanda naman kami.” Napansin niyang may kahulugan ang ipinukol na tingin ng ina sa dalawang dalagitang nasa likod pero hindi niya masyadong binigyan ng pansin iyon. Kung anu – ano ang pumapasok sa isip niya samantalang dapat ay makaramdam siya ng tuwa sa muling pagbabalik na iyon sa bayan ng San Simon.

“Ano bang handa ang kailangan pa, mamang? Alam niyo naman sa simula pa lang ay hindi na ako mahilig sa mga kasiyahan di ba.”

“Naku, kahit simpleng tanghalian lamang sa ating pamilya, anak. Ilang taon ka na ring hindi nadalaw rito at dapat ay magsaya tayo sa muli nating pagkikita – kita hindi ba, Rosa, Rosita?”

Tumango naman ang dalawang dalagitang mula nang siya ay dumating ay pirmis lamang na nakatayo at nakamasid sa kaniya.

“Sila na ba ang mga makukulit na apo ni Nanay Simang? Naku, marami akong mga damit at sapatos na ibibigay sa inyo. Kung okey lang sa inyong gumamit ng mga bagay na hindi na masyadong bago, mayroon akong dala at nasa compartment ng kotse ko. Marami kasi akong damit na hindi na rin maisuot mula nang…nang nagdiyeta ako eh. Pihong kasya sa inyong dalawa, lalo na sa iyo, Rosita.” Higit itong mas mabilog kaysa sa kapatid at na – imagine niyang suot ng mga ito ang damit niya. Napangiti siya nang makita ang sayang lumarawan sa maamong mukha ng magkapatid.

“Oo nga pala, mamang, nasa silid ba si Lolo Vito? Gusto ko siyang makita.” Humakbang siya patawid ng sala kung saan ang unang silid na daratnan ay sa kaniyang abuwelo.

“Ah, eh, oo anak pero mamaya na kita ihahatid sa kaniya. Halika muna sa kusina at nang magkakuwentuhan muna tayo habang inihahanda ang ating pagkain.” Hinawakan pa siya ng ina  at iginiya sa kusina. Bahagya niyang binawi ang brasong hawak nito.

“Makapaghihintay yan, mamang. Si Lolo ang gusto kong makita.” Muli niyang binagtas ang kahabaan ng sala patungo sa destinasyon ng kuwarto ng abuwelo pero saglit pa lamang siyang nakahahakbang ay biglang lumitaw sa kaniyang harapan si Rosita na nakababata kay Rosa.

“Ate Amanda, sabi nga pala ni Lola Simang na dalhin kita agad sa kaniya oras na dumating ka. Iginawa ka raw niya ng puto at dinuguan na paborito mo.” Alanganin ang ngiti nito at hindi niya maunawaan ang ibig sabihin noon.

Napangunot siya sa iginawi nito pero matamis na nginitian ang dalagita at ipinangako ritong agad na lilipat sa kubong tinitirhan ng mga ito matapos makapagmano kay Lolo Vito.

Bubuksan na lamang niya ang pinto nang malakas na napasigaw ang kaniyang ina.

“Anak! Baka gusto mo munang magkape at baka mabalis mo si Itay!” Kitang – kita niya ang pamumutla ng ina nang lingunin ito. Bigla ang bundol ng kaba sa kaniyang dibdib. May nangyari bang masama sa kaniyang Lolo Vito? Bakit tila ayaw ng mga itong puntahan niya ang kaniyang lolo? Sukat sa naisip ay bigla niyang binuksan ng malakas ang dahon ng pinto.

“Lolo!”

Ang kaniyang pangamba ay kagyat na naglaho ng makita ang abuwelong masayang – masaya sa pagkukuwento sa bisita nito. Agad siyang pumasok sa silid subalit bumalik ang panginginig ng kaniyang tuhod nang mapagmasdan ang bisita ni Lolo Vito. Ito man ay bahagyang nagulat sa marahas na pagpasok niya roon. Pinilit niyang pangibabawin ang isip at lumapit sa matanda. Hinagkan niya ito sa pisngi at matapos ay naupo sa stool na nasa kaliwang gilid ng kama nito. Nasa kabilang panig naman nakaupo ang bisita nito.

“N – narito ka pala.” Mas higit ang kumpirmasyon kaysa tanong sa tono niya.

“Oo, kangi – kangina lang. Hindi ko alam na darating ka ngayon.” Malamig ang boses nito at napakapormal.

“Hindi ko rin naman alam na narito ka sa silid ni Lolo.”ganting sagot niya sa kalamigan nito.

“Puwes, ngayong narito kayong pareho, hindi ba at dapat kayong magsaya? Ireng mga batang ire, hindi ko maunawaang talaga.” Bahagya pang inubo si Lolo Vito sa tawang pinawalan nito.

“Hala, Clodualdo, hayan na si Indang, ano pa ba ang hinihintay mo – pasko?” kumukumpas pa ito habang nagsasalita.

“Lolo Vito, siguro po ay kailangan na muna kayong magpahinga. Kami na lamang ang mag – uusap ng…ni Clodualdo para magkasarilinan kami, hindi po ba.” Sinapo na niya ang situwasyon at sa nakikitang kasiglahan sa mukha ng matanda ay tiyak na mahihirapan na naman siyang magpaliwanag rito. Mahirap naman kasi talagang ipaliwanag ang situwasyon nila, aminado naman siya roon.

“Oo, apo pero nais ko munang makita kung paano kang salubungin ng yakap ng dyaskeng ire! Ano’t kangina lamang ay tila ka panabong na may tari kung magkuwento riyan? Heto na si Indang, ano pa ba ang itinatayo mo?!” Bahagya pa siyang napapikit dahil sa nagpapaulan na naman ang lolo niya habang nagsasalita, wala na kasi itong ngipin kahit isa at ayaw ring gumamit ng pustiso. Pasimple niyang pinahid ng kamay ang noo.

“Lolo, mamaya na lang po, magpahinga muna kayo at kami naman ay mag – uusap sa labas, okey po ba iyon?”

“Lolo, ‘yung kiss po ba ang tinutukoy niyo? Kung iyon lang po ay hindi ko kayo bibiguin.” Nabigla siya sa sinagot nito at napadilat ang kaniyang mga mata nang mabilis nitong tinawid ang kanilang distansiya, hinawakan siya sa magkabilang balikat at mabilis na dinampian ng halik sa labi.

“O, okey na Lolo, hinagkan ko na po si Indang.”

“Hala eh hindi naman unto ang sabi mo sa akin eh, sabi mo ay dudurugin mo siya sa iyong mga braso habang inaangkin ang kaniyang mga labe, hindi ba?” Wala na siyang naisagot nang walang anu – anong kabigin siyang muli ng kaharap at siilin ng maalab na halik. Ang dikta ng isip niya ay itulak ito ng malakas pero nang kumilos ang kaniyang mga kamay ay kung bakit tila lalo pang napalalim ang halik na iyon. Kaya naman pala ay nagtraydor ang mga braso niyang hayun at nakakunyapit pa rito. Para siyang matutunaw sa kahihiyan nang pagdilat ay matagpuang nakatunghay sa kanila ang halos lahat ng miyembro ng pamilya maliban na lamang sa kaniyang ama.

“O hayan, Lolo Vito, pinagbigyan na namin kayo. Lalabas po muna kami upang makapagsolong mag – asawa.”

Tila musika sa pandinig niya ang huling sinabi nito lalo pa at hawak nito ang kaniyang kamay habang papalabas ng silid. Pero siyempre, batid niyang iyon ay para pandinig lamag ng kaniyang abuwelo. Nilampasan nila ang mga miron sa pinto na tulalang nakamasid sa kanila. Ang matanda naman ay naulinigan niyang humahalakhak habang sila ay palabas.

Tinahak nila ang likurang bahagi ng bahay. Sa kusina sila dumaan at tuluy – tuloy sa backdoor na may makitid na kawayang hagdang nakasampay sa mismong pinto. Pagbaba ay dinalawang hakbang lamang niya ang bangkito na napalilibutan ng ilang kulay rosas na maliliit na bulaklak at nasa lilim ng mababang puno ng santol. Pamaktol siyang naupo sa kawayang bangko.

“Hanggang kailan natin paglalaruan ang damdamin ni Lolo Vito? Hindi tayo dapat umaarte ng ganoon sa harap niya! Mauunawaan naman niya ang mga pangyayari dahil matagal na panahon na ang nagdaan, Add!”

“Paano mong nasasabi iyan samantalang ilang taon kang hindi man lamang sumilip dito? Alam mo ba ang kalagayan ni Lolo ngayon?” nakatayo itong paharap sa kaniya. Bahagya siyang nakatingala rito sa kaniyang pagkakaupo pero hindi pa rin niya maiwasan ang mataktikang pagmamasid dito. Noon lamang niya napansing nakasuot – pambukid ito at ikinataas iyon ng kilay niya.

“For heaven’s sake, Add, kitang – kita naman ng mga mata ko kung gaano kalakas si Lolo! Ano pa ba ang gusto mong sabihin?”

“Malakas na kung malakas pero pisikal na katawan lang ang tinutukoy mo, Amanda! He’ll be turning 85 in less than a month at hindi na bumabata ang alaala niya. Guguluhin mo pa ba ang iilang pagkakataong nakakakapit siya sa kasalukuyan…?”

“…last week, he was sharing sweet memories of him with Lola Mela. Yesterday, he was taunting himself for being a stubborn son to his father and mind you, inilalahad niya iyon na tila noong isang araw lamang iyon nangyari. Kanginang bumisita ako ay kinumusta ka agad niya sa akin…na tila ba hindi niya alam na nasa malayo ka.”

“At sinamantala mo iyon para humabi ng kasinungalingan at paasahin pa si Lolo?”

“If you take it that way, bahala ka pero hindi ko kasi kayang saktan ang damdamin niya sa nakikita kong saya sa kaniyang mukha kangina.”

“Kahit na, hindi natin siya dapat na niloloko. Hindi tamang nililinlang natin siya, Add.”

“Who’s talking?”

“Ano’ng sinabi mo?” Bahagya niyang narinig ang pasaring nito pero hindi niya sigurado kaya siya nagtanong.

“Wala akong sinabi. Aalis na kako ako at pumanhik ka na kay Lolo Vito. Baka mamaya lang, 5 years old na naman siya eh hindi ka na maka – relate pa.”

Binato niya ito ng laglag na bunga ng santol bago tuluyang makatalikod. Hindi na siya nito nilingon kahit pa bahagyang nagulat sa ibinato niyang bunga. Naiwan siyang nagmumukmok mag – isa sa ilalim ng puno.

***

“Iyon nga ang ibig namin sanang sabihin sa iyo, anak. Mangyari ay napakaliksi mong kumilos kaya hindi ka na namin napigil pa.” naghihiwa ng sibuyas ang kaniyang ina habang umiinom naman siya ng tsa ng hapon ring iyon.

“Hindi kami dapat na nagkita pa, mama. Alam niyo naman siguro kung bakit hindi ba?”

“Pero anak, panahon lang marahil ang kulang sa inyong mag…sa inyong dalawa, ang dapat lamang ay mag – usap kayo.”

“Mamang, it’s been so many years and I used to lived my own life without him! Wala na akong nakikitang rason para makipag – usap pa sa kaniya.”

“Nasasaktan ka pa rin ba sa mga nangyari, anak? Matagal na iyon kaya sana ay kalimutan mo na.”

“Mamang, sabi mo nga ay matagal na iyon kaya hindi ko na iyon iniisip pa. Ang hindi ko maaring balewalain ay ang epekto ng pangyayaring iyon sa aming dalawa. Hindi ko nga lamang maunawaan kung bakit sa tinagal – tagal ay ayaw niya akong pagbigyan sa kahilingan kong annulment.”

“Maging ako ay hindi pabor sa bagay na iyan, Amanda. Hindi ko ibig isiping ang nag – iisa kong anak ay nahiwalay sa asawa.”

“Eh ano nga po ba ang nangyari, mang? Ganoon naman talaga di ba? Nananatili kaming mag – asawa pero sa papel lamang iyon. Panahon na siguro upang itama ang lahat.”

“Malaki ka na, anak. Ang sa akin ay paalala lamang. Sana ay tama ang anumang magiging desisyon ninyong dalawa.”

Umayon ang kaniyang ina pero ramdam niya ang pagtutol ng kalooban nito.

————————————-

Ang IF ay isa sa mga unang nobela na naisulat ko subalit hindi na nagkaroon pa ng karugtong. Naisipan kong ilathala ito sa SYMFONY SERIES upang sa gayon ay maging paalala na rin sa akin na may mga kuwento akong natutulog at naghihintay ng aking libreng oras.  Forgive me for the typo and gramma errors here. Again, the story is not yet proofread :-)

*kisses*

Yesha

 

8 Comments »

  • senti said:

    ayy!…bat po di nyo na to tinuloy miss yesha?sayang, ganda pa naman ni amanda dito…gusto ko po malaman yung story nilang mag asawa…..
    Yesha: Ako din jejeje…nkalimutan ko na nga ang ideas ko dito kasi 2007 pa ito at walang outline. Natuwa rin ako nang mbasa ko ito kasi parang bahagya ko n lng xa recall ajejeje…

  • sjyo_0208 said:

    sna my karugtong.. kya mo yan.. prang my sumasagi sa isip sa kwento, pero wgna na.. hehehe.. mas magnda kng ikaw ang mgtutuloy.. hehehhe..

  • Clay said:

    sana may karugtong ito yesha..bakit kaya sila naghiwalay..hmmm

  • lumen said:

    ganda nman ng story nxt chapter pls.

  • emily said:

    bad ang magsinungaling… tsk tsk… hay nako add! i mu-multiply kita eh!

  • sweetypink said:

    sana dugtungan ito.. kasi super lito aq sa story nilang dalawa.. bakit cla nagkahiwalay… i know love pa rin ni add c amanda dahil ayaw niyang mkpag-annul d2.. :)

  • glory2me said:

    ate yesha.. request.. 2loy mo 2… huhuhuhu

    ganda ny.. pwamis.. now q lng nabasa….

    nakarelate aq dun ohh..

  • Erickz said:

    sana po ituloy ung story.maganda po kasi.

Leave your response!

You must be logged in to post a comment.